EDITORYAL — Nakakatakot ang mga ‘utak pulbura’

MARAMI nang pangyayari na namaril nang walang patumangga ang pulis at nakapatay hindi lang isa kundi marami pa. Ang masama pa ay walang kalaban-laban ang binaril ng pulis. Parang bumaril ng manok ang pulis at walang anumang umalis.
Noong Disyembre 2020, isang pulis sa Paniqui, Tarlac ang namaril at nakapatay ng mag-ina. Ang dahilan ng pamamaril ay ang pagpapaputok ng boga ng biktima. Ang namaril na pulis ay si Senior Master Sgt. Jonel Nuezca. Malapitan niyang binaril sa ulo ang mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, na agarang ikinamatay ng mga ito.
Nagsumbong umano ang anak na babae sa amang pulis sa ginagawang pagpapaputok ni Anthony ng boga. Pinuntahan ito ng pulis at sinapak at balak arestuhin. Pero niyakap ng inang si Sonya si Anthony para protektahan. Doon na nagsimula ang malagim na pangyayari. Binunot ni Nuezca ang baril at malapitang binaril si Anthony. Hindi pa nasiyahan, binaril din nito si Sonya. Pagkaraang barilin ang mag-ina, walang anumang naglakad pauwi si Nuezca kasama ang kanyang anak na babae. Para lang bumaril ng manok at iniwang kikisay-kisay.
Halos ganito rin ang nangyari noong Huwebes ng gabi sa Tandang Sora Avenue, Bgy. Old Balara, Quezon City. Binaril ng isang pulis ang nakagitgitang motorista. Nakilala ang namaril na pulis na si PEMS Randy Tuzon, 48, nakadestino sa Batasan Police Station 6, residente ng Bgy. Kaligayahan, Quezon City. Ang biktima ay nakilalang si Ronnie Borromeo, 42, ng Valenzuela City. Nagtamo siya nang maraming tama ng bala sa katawan. Hindi na siya umabot ng buhay sa ospital. Isa sa mga kasama ni Borromeo ang nasugatan.
Ayon sa pulisya, sakay ang mga biktima ng Mitsubishi L300 nang makasabaysi Tuzon na nagmamaneho rin ng sasakyan nito. Nagkagitgitan ang dalawa hanggang sa iharang ng pulis ang kanyang sasakyan sa L300. Nagkasagutan sila hanggang binunot ng pulis ang kanyang baril at pinaputukan si Borromeo nang maraming beses. Pagkatapos ng pamamaril walang anumang umalis ang pulis. Makalipas ang ilang oras sumuko rin siya.
Marami nang nangyaring pamamaril na sangkot ang mga pulis at nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon na kadalasang nangyayari sa away-trapiko. Hindi pa rin nagkakaroon ng aral kahit marami nang napahamak. Mahirap kapag pulis ang nasangkot sa road rage na agad namamaril sa nakaalitang motorista. Dapat sumailalim sa training ang mga pulis na maging mahinahon at hindi maging “utak pulbura”.
- Latest