^

PSN Opinyon

'Sandy’s Act': Para sa ligtas na tourism facilities para sa mga bata

KasamBuhay - Jing Castañeda - Pilipino Star Ngayon
This content was originally published by Pilipino Star Ngayon following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.
'Sandy�s Act': Para sa ligtas na tourism facilities para sa mga bata
Sina Edward at Sarah Garrovillas, mga magulang ni Sandy, ay patuloy na lumalaban para mabigyan ng sapat na atensyon at aksyon ang kanilang panawagang gawing ligtas ang mga bata sa tourist establishments.
Sen. Risa Hontiveros via Facebook

Noong nakaraang linggo, tinalakay sa Senado ang isang panukalang batas na mahalaga at masasabi kong malapit sa puso nating mga KasamBuhay, lalo na tayong mga magulang. Ang isinusulong ng batas na ito ay naglalayong tugunan ang nakakabahalang bilang ng mga insidente at peligrong kinahaharap ng mga bata sa mga establisamentong pang-turista na hindi handa sa mga health at medical emergency. 

Sa kasamaang-palad, kinailangan pang magkaroon ng isang trahedya upang maaksyunan ito -- ang nakalulungkot na kwento ng anim na taong gulang na si Sandy Garrovillas, at ang kanyang sinapit habang ipinagdiriwang ang kanyang kaarawan kasama ang kanyang pamilya.

Ngayon, ang kanyang mga magulang na sina Edward at Sarah ay patuloy na lumalaban upang matiyak na wala nang ibang pamilya ang makaranas ng ganitong trahedya.

Ipinangalan kay Sandy ang Senate Bill No. 2971 o “Sandy’s Act” na inihain ni Sen. Risa Hontiveros.  Layunin nitong gawing obligado ang tourist establishments — tulad ng mga resort, hotel, at water park – na maging handa at magkaroon ng first aid equipment para sa anumang emergency, partikular para sa mga bata.

Ang panawagang bunga ng isang trahedya

Sa isang beach resort sa Puerto Princesa, Palawan, naglalaro at lumalangoy si Sandy nang siya’y naging biktima ng mga dikya sa tubig.

Agad siyang dinala sa reception area ng resort upang humingi ng tulong. Pero walang sapat na kakayahan at kagamitan ang staff upang magbigay ng first-aid o kahit anong medikal na tulong sa bata.

Naluluha ngunit matapang na binalikan ni Edward at Sarah Garrovillas ang pagkamatay ng kanilang anak na si Sandy, habang tinatalakay sa Senado ang Senate Bill 2971, na ipinangalan sa kanilang anak.

Wala nang ibang matakbuhan kaya’t humingi ng saklolo sina Edward at Sarah sa iba pang mga bisita. Isang medical student mula sa France ang nagbigay ng CPR, isang komadrona ang nagtangkang magbigay ng oxygen, at isang Amerikano na nagpakilalang army medic ang tumulong. Natukoy niyang kailangan ni Sandy ng epinephrine – ngunit walang stock ang resort at maging ang pinakamalapit na botika.

Wala silang ibang magawa kundi dalhin si Sandy sa ospital, habang salit-salitan silang nagsasagawa ng CPR sa daan. Ang unang ospital na kanilang napuntahan ay walang sapat na kagamitan upang gamutin siya, at pagsapit nila sa Roxas Medical Hospital, huli na ang lahat. Pumanaw na si Sandy.

Kinagabihan, sa gitna ng matinding lungkot, kinailangan pa nilang asikasuhin agad ang mga detalye ng burol ng bata. Gusto nilang maiuwi agad si Sandy.  Ngunit ang pinakamabilis na paraan ay cremation – isang mahirap at masakit na karanasan para sa sinumang magulang.

"Ayaw naming mangyari ito sa ibang pamilya, sa sinuman," sabi ni Edward.

Mahigit isang taon na mula nang mamaalam si Sandy, ngunit hindi pa rin tumitigil sina Edward at Sarah sa kanilang laban. Ginagamit nila ang kanilang sakit upang manawagan ng mas mahigpit na regulasyon sa kaligtasan ng bawat bata.  Sabi nila, wala nang ibang magulang ang dapat makaranas ng sinapit nilang trahedya.

Bilang isang ina, nakapanlulumong isipin ang lalim ng sakit na nararamdaman nina Edward at Sarah. Hindi ko napigilang lumuha habang pinakikinggan ang kanilang kwento, at makita ang kanilang tapang sa pagbabahagi ng napakasakit na alaala. Taus-puso akong nakikiramay sa kanila at sa bawat magulang na nawalan ng anak dahil sa isang aksidenteng maaaring naiwasan.

Buong-buo ang aking suporta sa kanilang ipinaglalaban. Hindi lamang ito isang panukalang batas – ito ay isang hakbang upang maprotektahan ang ating mga anak.

Kapag naipasa, ang batas na ito ay mag-oobliga sa lahat ng negosyong pang-turismo na magkaroon ng tamang kagamitan, tauhang may kasanayan sa first aid, at mga epektibong hakbang sa emergency response. Ang mga establisamento ay kailangang may sapat na lifeguards at titiyakin ang kanilang kahandaan sa pagharap sa mga insidente. Bukod pa rito, ang mga lokal na pamahalaan ay magiging responsable rin sa pagpapatupad ng mga regulasyong ito bago magbigay o mag-renew ng permit sa tourist establishments.

Narito na ang summer season, ang panahon kung kailan siguradong dadagsa ang mga pamilya sa mga beach, resort, at water park. Kaya naman ngayon na ang tamang oras upang kumilos. Ngayon natin dapat ipaglaban ang mas ligtas na mga establisyimento para sa ating mga anak.

Pangmatagalang laban

Hindi ito ang unang pagtatangkang magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon para sa kaligtasan. Noong 2015, naghain si yumaong Senadora Miriam Defensor Santiago ng Senate Bill 2733, na layong maparusahan ang kakulangan ng lifeguards, trained first-aid personnel, at emergency equipment sa mga resort na may beach o swimming pool.  Sa kabila ng kahalagahan ng panukalang ito, hindi ito naipasa bilang batas.

Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Bill 2971 o “Sandy’s Act” para sa kaligtasan ang mga bata sa tourism-related establishments.

Patuloy na nagiging suliranin sa sektor ng turismo ang kawalan ng pananagutan at mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon. Bagama’t may mga patnubay ang Department of Tourism at Philippine Coast Guard ukol sa safety requirements, madalas ay walang tunay na parusa para sa mga hindi sumusunod. 

Dahil sa kakulangang ito, maraming buhay ang nalalagay sa panganib. Ilang bata pa ba ang kailangang mawala bago tayo kumilos?

Nagpapasalamat ako sa mga mambabatas tulad ni Sen. Risa, na kinilala ang agarang pangangailangang matugunan ang isyung ito, binigyan ng boses tayong mga magulang sa batas, at ipinagpatuloy ang laban. 

Nananawagan ako sa aking mga kapwa magulang na suportahan ang panukalang ito. Mahalaga ang ating mga boses, at sa ating sama-samang pagtindig, mapipilit nating pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang kaligtasan ng ating mga anak. Samahan natin sina Edward at Sarah, at tulungan nating ang kanilang pagdadalamhati ay maging daan sa pagliligtas ng iba pang bata.

Gawin natin ito para kay Sandy -- para sa mga batang maaari pa nating mailigtas. Ipaglaban natin ang Sandy’s Act.

------

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter.  Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa editorial@jingcastaneda.ph. 

RISA HONTIVEROS

TOURISM

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with