Digong umiwas sa aresto?
MAY sagot agad ang kampo ni dating President Rodrigo Duterte sa napabalitang bigla itong lumipad sa Hong Kong dahil tinatakasan ang warrant of arrest na ipinalabas na umano ng International Criminal Court (ICC).
Sabi ni Atty. Sal Panelo na kaibigan at loyalistang tagapagtanggol ni Digong, nagpunta ang dating Presidente sa HK hindi upang magtago kundi upang pasalamatan ang OFWs doon sa patuloy nilang pagsuporta sa kanya.
Okay, hindi nga naman tamang mag-jump into conclusion at baka nga nangangampanya lang si Digong para sa kanyang mga manok sa darating na midterm elections. Pero hindi maiiwasan ang hinala nang marami.
Kasi, mula sa HK ay puwedeng sumakay ng tren ang dating Presidente patungong Beijing at humingi ng saklolo kay Chinese President Xi Jinping. Alam naman ng lahat na best of friends ang dalawa.
Mag-abang na lang tayo. Kung sa paglathala ng kolum na ito ay bumalik na siya sa Pinas, false information iyan. Pero kung hindi na siya magpapakita, malamang totoo ang balita. Masasabi kay dating Presidential spokeperson Harry Roque na nagtatago rin, na he is in good company.
Totoo bang ipinalabas na ng ICC ang arrest warrant kay Digong kasabay din ng pagpapaaresto kay Russian President Putin? Kasi, kung aasa lang tayo sa social media, maaaring ito ay fake news. Pero kinumpirma umano ito ng tagapagsalita ng Palasyo na si Claire Castro.
Kung totoo, peligroso ang lahat ng pambato ni Digong sa pagka-senador. At kung totoong hihingi siya ng tulong kay Xi Jinping at siya ay tutulungan, ano ang magiging implikasyon nito? Abangan!
- Latest