Paulit-ulit na lang
Nararapat tularan ang enforcer ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee on Transportation (DOTr-SAICT) na nagpahinto sa convoy ng PNP na gumamit ng EDSA busway noong Martes. Kahit mga pulis na ang kaharap ay naging tapat sa kanyang mandato na hulihin ang mga hindi otorisadong gumamit ng busway sa EDSA.
Nagsalita na si PNP chief Gen. Rommel Marbil. Ayaw sabihin kung siya nga ang nakasakay sa nahuling convoy o iba pang mataas na opisyal ng PNP. Dahil lumabas na sa publiko ang plaka ng mga nahuling sasakyan, ayaw pangalanan ang mga nakasakay para sa kanilang seguridad.
Nagpaliwanag din na emergency meeting ang pupuntahan ng convoy sa Camp Crame kaya ginamit ang EDSA busway. Nagsabi naman ang enforcer na wala silang koordinasyon sa kanila kaya sila hinuli.
Hindi naman umangal si Marbil na bigyan ng ticket ang mga nahuling sasakyan. Nataon na emergency lang kaya sana naintindihan daw kaagad ng enforcer. Kung nakitang nakasindi ang mga blinker, emergency daw yun.
Naiintindihan ko na hindi lahat ng impormasyon ay puwedeng ibigay, lalo na kung sensitibong bagay, halimbawa, iyang meeting umano sa Crame. Sigurado ako na kung sinoman ang nakasakay sa convoy ay siya rin ang nagsabing gamitin na ang EDSA busway.
Ang nakikita kong problema lang diyan ay sino ang magsasabing hindi gagamitin ang parehong pangangatwiran ng sinumang opisyal ng gobyerno ngayon. Maging empleyado, kalihim, senador o kongresista o mga kamag-anak pa nila. Ang kailangan lang sabihin, emergency.
Paano naman makasisiguro ng mga enforcers ng SAICT na tunay na emergency nga? Susundan ba nila para alamin na emergency nga?
Ito ang mahirap kapag may mga ganyang “exemption.” Baka kung sinu-sino na lang ang gagamit ng parehong pangangatwiran. Paano kung delivery driver na naghahatid ng kailangan na kailangang gamot? Paano kung nasusunog na ang bahay kaya nagmamadaling makapunta roon? Paano kung nanganganak na ang asawa? Paano kung mayaman o feeling VIP na may mga escort na bodyguard ang nagsindi ng blinker, dapat pabayaan na lang dahil emergency at nakasindi ang blinker?
Iilan lang iyan sa mga dahilan na puwede nang sabihin sa mga enforcer. Sana ay huwag dumami bigla ang gagamit ng EDSA busway dahil sa insidenteng ito at sasabihing emergency ang pupuntahan.
Kung ganyang marami na ang aabuso sa EDSA busway, baka panahon na para mawala ito at pare-pareho na tayong magdusa sa trapik.
- Latest