^

PSN Opinyon

Trabaho sa abroad, sa Facebook hinahanap?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Marami na rin namang mga lehitimong kumpanya, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa, ang gumagamit ng social media tulad ng Facebook para sa kanilang mga negosyo o ibang usaping may kinalaman dito tulad ng pangangalap nila ng bagong mga tauhan o empleyado.

Isa itong pagkakataon para sa mga naghahanap ng trabaho lalo pa at madali nilang nabubuksan ang kanilang social media account sa smartphone kahit kailan at kahit saan.

Pero isa rin itong pagkakataon na nakita ng mga illegal recruiter, human trafficker, scammer, gambling syndicate at iba pang klase ng mga kriminal sa internet para makapambiktima lalo na ng mga Pilipinong naghahangad lang na makapagtrabaho sa ibang bansa.

Kung maraming makikita sa Facebook na mga anunsiyo sa pangangailangan ng manggagawa o empleyado sa mga totoo at lehitimong trabaho, marami rin ang anunsyo sa mga pekeng trabaho at ang iba ay iligal pa.

Halimbawa, mahigit 71,000 pekeng trabaho na nakaposte sa mga social media platform tulad ng Facebook at TikTok ang ipinatanggal o ipinasara ng Department of Migrant Workers noon lang taong 2024. Sa pakikipagtulungan ng Meta Philippines at ng Tiktok Philippines, naipatanggal ng DMW ang mga pekeng job postings at accounts nitong nagdaang taon kabilang ang 50,220 kahinahinalang poste sa Facebook at 21,433 sa TikTok.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, may mga tiwaling entidad na nagpapanggap na mga lehitimong recruitment agencies sa pamamagitan ng pangga-gaya sa mga official Facebook pages ng mga ahensiyang lisensiyado ng DMW para mahikayat at mabiktima ang mga walang kamalay-malay na mga aplikante.

Napakarami ng mga pinatanggal na mga poste sa mga pekeng trabaho, bagaman hindi malinaw kung ilan na ang mga nabiktima ng mga ito at ito ay nangyari nito lang katatapos na taon ng 2024.

Nagbabala ang DMW sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na maging maingat laban sa mga kahina-hinalang inaalok na trabaho sa ibang bansa na nakikita sa social media at beripikahin ang mga ito para hindi mabiktima ng mga illegal recuiter na ginagamit ang internet para makapambiktima.

Inihalimbawa ng DMW ang mga call center jobs sa ibang bansa na inaalok sa so-cial media, na hiningi ang mabilis na pag-alis sa Pilipinas ng mga biktimang aplikante. Ang mga Pilipinong nahikayat ng mga kriminal tulad ng mga gambling syndicate na patulan ang mga pekeng alok na trabaho ay pinapupunta bilang turista sa Thailand, Singapore o Vietnam bago sila dadalhin sa Cambodia, Myanmar o Laos para maging scammer.

Maging ang Facebook ay merong mga paalala sa mga naghahanap ng trabaho sa pamamagitan nito:

Iwasan ang mga alok na trabaho na tinatawag sa Ingles na “too good to be true” o maganda lang pakinggan pero panloloko lang. Maging alerto at maingat kapag merong employer na tinatanggap ka agad kahit hindi ka pa iniinterbyu at nangangako ng napakataas na suweldo sa tila maliit lang na trabaho.

Magsaliksik hinggil sa katauhan ng employer o kumpanyang nag-aalok ng trabaho para hindi malinlang. Maging alerto kapag walang gaanong nakasaad na impormasyon hinggil sa employer (tulad ng phone number, address o website) o kung ang employer ay nagbibigay ng job interview sa pamamagitan ng text o messaging app sa halip na in-person o video conference. Iwasan ang mga nakalistang trabaho na mali-mali ang mga spelling at grammar o yaong malabo ang klase ng alok na trabaho na hindi nangangailangan ng karanasan.

Ang mga kumpanya ay hindi agad naniningil ng ano mang kabayaran sa mga nag-aaplay ng trabaho. I-report sa Facebook o ibang kinauukulang awtoridad kapag hinihingan ka ng application fees, recruiter placement fees, interview reservation fees, training fees, CV formatting/rewriting fees or background check fees.

Merong mga lehitimong kumpanya na hinihingi ang mga sensitibong detalye sa proseso ng application pero tiyakin na inilalagay mo ang iyong impormasyon sa mga  secure form (Nababasa dapat sa address bar ang “https” kapag nasa website ka ng employer) at iwasang magbigay ng anumang personal o financial details nang direkta sa messenger.

Ayon na rin sa ilang eksperto, maging alerto at maingat kapag nakatanggap ka agad ng job offer na hindi mo naman inaaplayan, nakikipag-usap ka na sa isang hiring manager o iniinterbyu na agad. Maaaring indikasyon na hindi ito lehitimo.

Karaniwang ang mga lehitimong job posting ay merong malinaw, detalyadong description at specific qualifications.  Ang mga fake posting ay humihingi lang halimbawa ng edad, marunong magbasa o tumipa.

Maaari ring masamang senyales kapag ang ipinapangakong trabaho ay sinasabing mabilis na magpapayaman sa iyo sa loob lang ng maikling panahon. Baka hindi lehitimo ang trabaho kung walang detalye kung paano ka susuwelduhan.

Karaniwan din sa mga pekeng trabaho na nakaposte sa social media o sa internet sa pangkalahatan ay walang nakasaad na  address  o phone number ng pisikal na opisina nito, email address at ibang mga saligang detalye. Isa nang babala kapag hinihingi na ng employer o recruiter ang iyong mga personal information tulad ng social security number at bank account number gayong hindi ka pa opisyal na kinukuha o tinatanggap sa trabaho at hindi ka pa pumipirma sa job offer.

Bukod dito, alamin kung saan o kanino galing iyong iniaanunsyong bakanteng trabaho na nakaposte sa social media. Nagmula ba ito sa isang mapapanaligan at kinikilalang kumpanya, organisasyon o recruiter? Meron ba itong beripikadong account, professional profile at malinaw na contact information?

* * * * * * * * * * *

Email – [email protected]

EMPLOYER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with