‘In Love’ ka ba sa Afam?
Salitang pabalbal o pambakla iyong “Afam” na karaniwang ibig sabihin ay “A Foreigner Around Manila” at patungkol sa mga dayuhan sa Pilipinas o mga taga-ibang bansa na maaaring Amerikano o ibang lahi o kadalasang iyong nagmumula sa mga bansang kanluranin.
Malimit mababasa, makikita o maririnig sa social media iyang Afam na iyan na parang ginagawang biruan o katatawanan pero nagpapatungkol sa mga dayuhang nakikilala o nakakarelasyon o natitipuhan ng isang Pilipina, halimbawa.
Sa unang tingin, parang mababaw o masama ang pakahulugan sa Afam. May mga babae rin kasi na sadyang naghahanap, naghahangad o nangangarap na makapangasawa ng dayuhan para makarating sa ibang bansa at gumanda ang kanilang buhay. Merong natutupad pero meron ding mga nabibigo. At hindi lahat ng dayuhan ay mayaman, mapera, may magandang trabaho, at masagana ang buhay sa pinagmulan nilang bansa.
Gayunman, marami namang mga Pilipina na tunay at likas na nagmahal sa mga napangasawa nilang dayuhan na totoo ding nagmahal sa kanila at nakilala nila sa hindi sinasadyang pagkakataon. May mga Pinay na nakilala ang asawa nilang dayuhan habang nagtatrabaho sila sa ibang bansa at naging maayos at maligaya ang kanilang pagsasama.
Ayon nga sa Commission on Overseas Filipino, dahil sa social media, lalong dumami noong 2022 ang bilang ng mga Pilipinong nagkapangasawa ng dayuhan. Mahigit 6,500 ang mga Pilipinong nagpakasal sa dayuhan nang taong iyon. Mahigit 6,000 rito ay mga babae. Karamihan sa mga Pilipinang ito ay nagpakasal sa Amerikano, Hapones, Aleman, Canadian o Australian. Bagaman sinasabi ng CFO na tumaas noong 2017 ang bilang ng mga Pilipinong nagpapakasal sa dayuhan, matagal na rin naman itong nangyayari sa nagdaang maraming dekada kahit noong wala pang internet, social media, computer at smartphone.
Gayunman, kailangan din ang pag-iingat sa pakikipagkaibigan sa mga dayuhan. Dahil hindi lahat ng mga Pilipinang nakapangasawa ng dayuhan ay naging maayos ang buhay sa ibang bansa. Merong mga napapahamak o napariwara o nabibiktima lang ng prostitution syndicate o love scam o niloko at pinerahan lang ng dayuhang nakilala lang nila sa internet, partikular sa social media.
Para sa CFO, ang mga Pilipino ay dapat sumailalim sa strict gui-dance and counseling programs bago umalis ng Pilipinas para matulungan silang makaangkop sa bago nilang buhay kasama ng asawa nilang dayuhan.
“Halimbawa sa bansang Hapon, ano ba ang klase ng kultura ng mga Japanese? Pagdating niya roon, ano ang adjustment na dapat niyang gawin? Applicable ba ang mga ginagawa rito o hindi?” sabi ng isang opisyal ng CFO.
Kamakailan lang, naging malaking balita iyong kaso ng 27 anyos na Pilipinang si Marvil Facturan-Kocjancic na pinatay ng asawa niyang Slovenian na si Mitja Kocjancic sa bansang Slovenia noong Disyembre 29, 2024. Hindi naman ito matatawag na “isolated incident.”
Noong Nobyembre 2018, ang Pilipinang si Mailyn Conde Sinambong ay binugbog at napatay ng asawa niyang Swedish actor-director na si Steve Abou Bakr Aalam, 50, sa kanilang bahay sa Stockholm, Sweden.
Sa “Illustrative Ca-ses of Women and Their Children Exploited and Abuse Through the International Marriage Broker Industry” ng Tahirih Justice Center, tinipon dito ang ilang kaso ng mga Pilipinang pinahirapan at pinaslang ng mga asawa nilang Amerikano sa United States.
Inihalimbawa rito si Teresa Lane na nilunod at pinatay ng dati niyang asawa na si Thomas Robert Lane noong 2003 sa Alabama, USA.
Sa Texas, USA noong 1995, isang retired U.S. Army officer na si Jack Reeves ang nasentensiyahan dahil sa pagpatay sa 26 anyos na asawa niyang Pinay na si Emelita Villa Reeves. Bago napaulat na nawala, naisumbong ni Emelita sa kanyang pamilya at mga kaibigan na sinasaktan at inaabuso siya ni Jack Reeves.
Sa Washington, USA, nakulong at nasentensiyahan ang 47-anyos na Amerikanong si Timothy Blackwell dahil sa pagbaril at pagpatay niya sa 25 anyos na asawa niyang Pilipina na si Susanna Remerata Blackwell noong 1995.
Merong ulat sa pasei.com hinggil sa kaso ng 32-anyos na Pilipinang si Jacqueline Rose Nicholas na binaril at napatay ng 30 anyos na asawa niyang si Peter Noble sa isang hotel sa Dallas, Texas, USA noong Hulyo 29, 2019.
Sa Arlington sa Amerika pa rin noong Hulyo 2019, ang bangkay ng 24 anyos na Pilipinang si Alyssa Marje Mejia Rogers ay natagpuan sa isang garage freezer. Nagpatiwakal ang 66 anyos na asawa niyang si Edward Leon Rogers matapos nitong patayin ang kanyang misis.
Napaulat naman sa ABS-CBN noong 2023 ang nagiging problema ng mga Pilipinang nakapangasawa ng Koreano na idinudulog sa United Filipino-Korean families, isang grupo sa South Korea. Ilan dito iyong problema ng mga Pinay sa kanilang biyenan, pakikisama, lengguwahe at iba pang mga pagsubok sa pamumuhay sa dayuhang kultura.
“Karaniwang dinudulog dito sa ating tanggapan ay itong mga conflict, abuses…ang ating kababayan ay hindi prepared para doon sa culture difference, religion, and financial…marami pang aspeto kaya nagkakaroon tayo ng mga problemang kinakaharap at nauuwi ito sa paghihiwalay o hindi nagiging successful ang kanilang pagsasama...dapat preparado na ang ating mga kababayan sa kanilang emosyon, mentalidad, at sa iba pang kakaharaping pagsubok,” sabi ni United Filipino-Korean Families (UFF) Counselor Baek Ma. Cherry Ann.
Hindi naman masamang pumatol at umibig sa isang dayuhan. Maging maingat lang, kilalanin, kilatisin at mag-isip ng mabuti. Mas malamang magbunga lang ng hindi maganda kung makikipagrelasyon ka sa isang dayuhan para lang makapangibang-bansa at umangat ang buhay. Iwasang ‘bumigay’ agad!
* * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest