Pilipinas at South Korea
Parehong may political upheaval ang South Korea at Pilipinas. May pagkakahawig ngunit tila mas malubha ang sa South Korea.
Kung sa ating bansa gusto nilang i-impeach ang Bise Presidente, ang ibig nilang i-impeach sa SoKor ay mismong kanilang Pangulo na si President Yoon Suk Yeol dahil sa korapsyon.
Sa geopolitical situation ng mundo, tila may iisang pattern na nagaganap. Upang makaiwas sa impeachment, biglang nagdeklara ng martial law ang South Korean President. Ang idinahilan niya ay ang banta ng mga komunista ng North Korea na sakupin ang South. Pero agad umalsa ang taumbayan.
Parang ganyan din ang naging basehan ng matandang Ferdinand E.Marcos nang ideklara ang batas militar noong 1972. Ang kaibahan nga lang, tumagal ito nang dalawang dekada porke hindi tinutulan ng mamamayan.
Sa SoKor, nagprotesta sa lansangan ang taumbayan at pinababawi ang deklarasyon ng batas militar. Maagap ding kumilos ang parliyamento na nagpalabas ng resolusyon para bawiin ng Presidente ang deklarasyon.
Habang isinusulat ko ang kolum na ito, tiniyak ng President ng SoKor na aalisin na niya ang martial law matapos pulungin ang kanyang Gabinete.
Sa maraming taon, naging bastion of democracy ang South Korea, ngunit talagang hindi yata maiiwasan na magkaroon ng leader na abusado sa kapangyarihan. Pero ang nakatutuwa, naipakita ng mamamayan ang kanilang pagkakaisa upang hadlangan ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan. Iyan ang tunay na people power.
Sana ganyan dito sa ating bansa. Kahit tampalasan at marumi ang bibig ng iniidolong pulitiko, marami pa ring mga bulag na tagasunod. Kahit lantarang nagbabanta sa buhay ng nakaupong Presidente, tila nagbubunyi pa at pumapalakpak ang blind followers.
- Latest