EDITORYAL - Evacuation centers iprayoridad ng LGUs
Malaki ang problema ng mayor ng Agoncillo, Batangas kung saan dadalhin ang kanyang constituents na sinalanta ng Bagyong Kristine. Ang Agoncillo ang isa sa pinakagrabeng sinalanta ng bagyo kung saan maraming bahay ang nawasak at inanod ng baha. Bukod sa baha, nagkaroon din ng mga pagguho ng lupa kung saan may mga natabunang bahay. Kalunus-lunos ang tanawin na maraming nasirang bahay, tulay at mga pananim sa nasabing bayan.
Ngayong nananalasa ang Bagyong Leon, problema ng mayor ng Agoncillo kung saan ililikas ang kanyang mga kababayan kapag ipinatupad ang forced evacuation. Wala silang mapagdadalhan. Ang mga katabing bayan ay mayroon ding evacuees. Ang payo ng mayor sa mga nasasakupan ay makituloy muna sa mga kamag-anak. Sabi ng mayor, malaki ang naging aral nang paghagupit ng Bagyong Kristine kaya ipatutupad na ang forced evacuations kung may tatamang bagyo. Ang problema nga lamang ay walang pagdadalhan dahil maski ang mga school ay napinsala rin.
Ang problema sa evacuation centers ay hindi na natapus-tapos. Paano matatapos ay hindi naman inuumpisahang gumawa ng mga evacuation centers. At kapag tumama na ang bagyo, lindol, baha at pagputok ng bulkan ay saka lamang ito naaalala. Walang ginagawang hakbang ang local government units (LGUs) para gumawa ng evacuation centers. Nasanay na kapag may mga evacuees, sa mga school dadalhin o kaya’y sa covered court o simbahan. Paano kung nasira rin ang eskuwelahan at iba pa?
Taun-taon, mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa. At sa kabila nito, walang makaisip na gumawa ng matibay at desenteng evacuation centers para sa mga biktima ng bagyo.
Lagi nang eskuwelahan ang inaasahang evacuation centers. Dahil din sa nakaugaliang paggamit sa mga eskuwelahan, apektado ang pag-aaral ng mga estudyante. Dahil ginagamit ng evacuees, nasisira ang mga school dahil na rin sa kagagawan ng mga ito. Maraming nasasalaula. Pagkatapos manirahan ang evacuees, kailangang ipakumpuni at dagdag gastos ito sa gobyerno.
Malaking hamon sa LGUs na magpagawa ng sariling evacuation centers sa bawat barangay. Iprayoridad ito upang hindi na mamroblema sa tuwing may darating na kalamidad. Kung may evacuation centers, kusa nang tutungo rito ang mga tao at wala nang mangyayaring forced evacuations.
- Latest