Walong alituntunin para malusog ang bato
Naaalarma ang Philippine Society of Nephrology. Sumipa nang 40% ang dami ng maysakit sa kidney o bato nu’ng 2023 mula 2022. Pitong milyong Pilipino na ang may malubhang Chronic Kidney Disease, Stage 3 o mas malala.
Masakit sa bulsa ipagamot ang CKD. Halagang P2,000-P5,000 ang isang dialysis session, o P24,000-P6,0000 kada buwan. Pahirap sa katawan ng pasyente, pabigat sa damdamin ng pamilya. Hindi pa kasama riyan ang gastos sa doktor, gamot at pamasahe.
Maagap na pag-detect at pag-iwas sa CKD ang dapat na estratehiya, anang Nephrologists. Ibig sabihin malimit dapat magpa-blood test at checkup ang mga may-edad. Disiplinahin din sa kalusugan ang mga menor.
Lifestyle disease ang CKD. Tinatamaan ang abusado sa katawan.
Naglahad ng walong Golden Rules ang Philippine Society of Nephrology:
Golden Rule 1 – Palaging mag-ehersisyo.
Golden Rule 2 – Kumain nang masustansya.
Golden Rule 3 – Kontrolin ang blood sugar.
Golden Rule 4 – Kontrolin ang blood pressure.
Golden Rule 5 – Uminom ng sapat na tubig.
Golden Rule 6 – Huwag nang manigarilyo.
Golden Rule 7 – Hinay-hinay sa pain relievers at supplements.
Golden Rule 8 – Regular na magpa-checkup.
Maraming nagsisisi kung huli na ang lahat. “Kung sana umiwas ako sa yosi, kung sana umiwas ako sa toma, kung sana binawasan ko ang kanin, kung sana dinalasan ko ang paglalakad,” iniisip ng pasyente habang nagda-dialysis.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest