EDITORYAL – Iimbestigahan ang sarili
Ipagpapatuloy pa rin umano ni Sen. Ronald dela Rosa ang pag-iimbestiga sa drug war kahit marami ang bumabatikos sa kanya kabilang ang mga kapwa senador. Hindi umano siya mapipigilan sapagkat siya ang chairman ng Senate public order and dangerous drugs committee. Maaari umano siyang magpatawag ng motu propio investigation ukol sa drug war na isinagawa ng nakaraang Duterte administration.
Ayon kay Dela Rosa, idedepensa umano niya at ipaglalaban ang kanyang komite sa kabila na maraming bumabatikos dahil self serving daw. Bigyan daw siya ng pagkakataon na maipakita sa publiko na siya ay parehas at walang anumang itinatago. Gusto lamang daw niya na maipakita ang katotohanan.
Kung magsasagawa raw siya ng imbestigasyon sa war on drugs ay malaki ang posibilidad na dumalo sa pagdinig si dating President Rodrigo Duterte. Mas magiging komportable umano si Duterte kung ang Senado ang magsasagawa ng imbestigasyon kaysa sa House quad committee.
Iimbitahin umano niya ang resource persons ng quad committee na nag-aakusa sa Duterte administration na ginagamit ang war on drugs para makapaghiganti sa mga kalaban sa pulitika at ganundin ang sinasabing reward system sa mga pulis na makapapatay ng drug suspect.
Sabi pa ni Dela Rosa, iimbitahin din ang itinuturong drug lord sa Visayas na si Kerwin Espinosa na nagsabi sa quad committee na iniutos umano niya rito na idawit sa drug trade si dating senador Leila de Lima at kung hindi susunod ay papatayin daw niya.
Marami pang sinabi si Dela Rosa ukol sa plano niyang pagsasagawa ng pag-iimbestiga sa war on drugs sa kabila na tinutulan na ito ni Senate President Chiz Escudero. Ayon kay Escudero, dapat buong Senado ang mag-iimbestiga at hindi ang committee lang ni Dela Rosa.
Kahit saang anggulo tingnan, hindi maganda ang planong pag-iimbestiga ni Dela Rosa sa war on drugs ng dating Duterte administration kung saan siya ang implementor at may katha ng “Oplan Tokhang”. Sa “Oplan Tokhang” maraming drug suspects ang basta na lamang dinampot ng mga pulis o kaya’y pinasok sa bahay at binaril dahil nanlaban daw.
Maari bang imbestigahan ang sarili? Hindi tama ito. Para maging patas ang imbestigasyong isasagawa ay nagbibitiw ang kasangkot para hindi masabing naiimpluwensiyahan ang pagsisiyasat.
Nasaan ang delikadesa na pamunuan ang imbestigasyon gayung kabilang siya sa iimbestigahan. Katatawanan ito.
- Latest