Nagbabago ang tao
Maganda ang pagbabago kung ito ay patungo sa pagiging higit na mabuti. Kung dati ka nang may magandang reputasyon na lalo pang nagningning dahil sa ibayong kabutihang ginagawa mo, iyan ang pinakamahalagang medalyang matatamo mo na higit pa sa ginto ang halaga.
Subalit kung dati kang hinahangaan at iginagalang ng madla dahil sa magaganda mong adbokasiya ngunit minsan kang nakagawa ng karumal-dumal na kamalian, ang lahat ng buting nagawa mo ay mabilis mahalinhan ng kahihiyan. Iyan ang masaklap na katotohanan ng buhay.
Si Atty. Harry Roque ay bantog at hinahangaang human rights lawyer noon na nagtatanggol sa karapatan ng mga taong napagkakaitan ng hustisya. Siya ay de kalibreng abogado na ang espesyalidad ay international law.
Ngunit mula nang maging spokesman siya ng noo’y Presidente Duterte, tila ba nalusaw ang kanyang mabuting prinsipyo at nalubog siya sa sari-saring kontrobersiya na ang pinakahuli ay ang pagkandili niya sa isang tinutugis ng batas dahil utak ng isang sindikato.
Inaakusahan siyang abogado ng isang kompanyang Intsik sa ilegal na POGO na habang pinasisinungalingan niya ay tila lalo lamang nagbabaon sa kanya sa maitim na issue. Kasama siya ngayon sa 11 katao pang nasa watchlist ng Bureau of Immigration upang hindi makalabas ng bansa.
Totoo man o hindi ang akusasyon, sabi nga, Roque is presumed innocent until proven guilty. Ngunit siya ay prominenteng personalidad kaya laging nangunguna ang balita tungkol sa kanya gaano man kanegatibo.
- Latest