^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Bentahan ng vape online

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Bentahan ng vape online

Matagal nang inirereklamo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang talamak na bentahan ng vape products online subalit walang naririnig ang tanggapan. Pumasok sa kanang taynga at luma­bas sa kaliwa. Sabi ng health advocates at iba pang tumututol sa e-cigarette o vape, ang pagwawalambahala ng DTI sa maluwag na bentahan ng vape pro­ducts online ay lalong magdudulot ng seryosong prob­lema sa kalusugan ng kabataan. Karamihan sa mga umuorder ng vape products ay kabataan. At dahil puwede namang umorder nito ang kahit sino, pawang kabataan ang parukyano online. Kaya hindi nakapagtataka na kahit ang wala pang 18-anyos ay lulong na sa pagvi-vape.

Pero sa wakas, narinig din ng DTI ang panawagan ng health communities. Pagkaraan ng ilang taon, mula nang maging batas ang Republic Act 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act), umaksiyon ang DTI at ipinasuspende ang online sale ng vape products. Nilagdaan ni DTI Secretary Alfredo Pascual noong Hulyo 20 ang Department Administrative Order No. 24-03 na nagsususpinde sa pagbebenta ng vape products online. Pero ayon kay Pascual, pan­sa­mantala lamang ang suspension at maari itong alisin kapag naka-comply na ang e-marketplaces sa itina­t­ad­hana ng RA 11900.

Ayon pa kay Pascual ang pagsuspende sa bentahan ng vape products online ay para na rin maprotektahan ang kabataan at mapangalagaan ang kanilang kalusugan. Umaayon din umano ito sa pa­ngako ng pa­mahalaan sa pagtataguyod ng malusog na kapaligiran at pagprotekta sa mga mamamayan mula sa mga potensyal na pa­nganib na nauugnay sa vape products.

May masamang epekto sa kalusugan ang paggamit ng vape. Matagal nang nagbabala ang Department­ of Health (DOH) sa mamamayan na ang vape ay may nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon mono­xide na mapanganib sa lungs. Hindi lamang lungs ang naaapektuhan ng pagvi-vape kundi pati na rin ang puso. Posibleng atakehin sa puso ang gumagamit ng vape gaya nang nangyari sa isang 22-anyos na lalaki na namatay noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, ito ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay kaugnay sa paggamit ng vape.

Dalawang kaso pa na may kaugnayan sa vape ang naitala. Una ay ang 16-anyos na babae sa Western Visayas nagkasakit sa baga. Nakuha niya ang sakit dahil ang mga kasama niya sa bahay ay gumagamit ng vape. Ang ikalawa ay ang 22-anyos na lalaking taga-Alabang na nagkasakit din sa baga dahil sa araw-araw na pagvi-vape.

Ngayong suspendido na ang bentahan ng vape online, makakatiyak kaya ang DTI na walang makalulusot dito. Mababantayan kaya nila ang mga tusong negosyante ng vape products? Maipatutupad kaya ito nang buong tindi?

vuukle comment

DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with