Mag-ingat sa sindikato ng chemical agent
PINAG-IINGAT ng National Bureau of Investigation-Cordillera ang publiko sa isang sindikato na kinabibilangan ng isang Japanese na nanloloko sa pamamagitan ng pulbos na kemikal na made in France na tinatawag na Carburant de Soute.
Ang Carburant de Soute ay chemical agent na ginagamit daw sa recycling ng used motor oils.
Isang residente sa Baguio City ang nalinlang ng sindikato ng halagang P4.3 milyon nang bumili ito ng chemical agent. Ang hindi niya alam, may kasabwat pa pala ang sindikato at sabay na kumontak sa biktima.
Ang kasabwat ng sindikato ay nagkunwaring buyer naman ng lupa. Nagkataon na may binibenta ang biktima na lupa sa Rosario at Naguillan, La Union.
Nang maayos na ang bentahan ng lupa, nabanggit ng buyer na naghahanap din sila ng pulbos na kemikal. Dito naikuwento ng biktima na mayroon siyang alam na kemikal. Ipinakilala niya ang mga nag-alok sa kanya ng kemikal.
Bumili agad ang buyer isang paketeng karton sa halagang P23,000 at sinabing kailangan pa niya ng 900 karton.
Nahikayat ang biktima na bumili ng kemikal na nagkakahalagang P4.3 milyon. Idineposito ng biktima sa banko ang P4.3 milyon sa account ng isa sa mga lider ng sindikato. Pagkatapos maideposito ay naglahong parang bula ang mga ito.
Sa pagsusuri ng government forensic expert, NaCl (Sodium Chloride) o asin ang Carburant de Soute na binayaran ng biktima nang P4.3 milyon.
Hindi lamang mga taga-norte ang naloko ng sindikato kundi marami pa.
Nananawagan ang NBI sa mga nabiktima ng sindikato na makipag-ugnayan sa kanila para mahuli ang sindikato.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest