^

PSN Opinyon

Czechia: Maaaplayan ng trabaho sa Europe

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kung naghahanap ka ng trabaho sa ibang bansa, isa sa mapagpipilian ang Czech Republic na tinatawag rin sa maikli nitong pangalang Czechia.  Kabilang ito sa mga bansa sa Europe tulad ng Romania, Austria, Denmark, Italy, Hungary, Germany, Poland, at Slovenia na katatagpuan at kumukuha ng mga overseas Filipino worker. May mga pag-uusap na rin ang Pilipinas at ang Czech Republic hinggil sa proteksyon ng mga OFW at pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa naturang Europeanong bansa.

Kung pagbabatayan ang mga napapaulat na pahayag at pag-uusap ng pamahalaan ng Czech Republic at ng Pilipinas, mula sa  Mayo 2024, kukuha ng 10,300 manggagawang Pilipino bawat taon ang Czechia na mas mataas kumpara sa itinakda nitong 5,500 OFW noong Enero ng taong ito. Mas mataas din ito nang 900 porsiyento mula sa initial quota na 1,000 kada taon noong 2018.

Wala pang linaw kung anong trabaho o posisyon ang maaa-ring aplayan sa Czech Republic. Maaaring malaman ito sa mga susunod na pahayag ng pamahalaan o sa opisina o website ng Department of Migrant Workers o sa mga lehitimo at rehistradong recruitment agency at job websites.  Hanggang noong Disyembre 31, 2023, umaabot sa 7,026 ang bilang ng mga Pilipinong naninirahan sa Czech Republic batay sa datos ng  Czech Ministry of Interior. Sinasabing ang mga OFW na nasa Czech Republic sa kasalukuyan ay nagtatrabaho sa mga larangan o sektor ng processing industry, automotive, repair of appliances, manufacturing, IT communications, real estate, health or wellness, at household service work.

Tulad sa dati at madalas na mga paalala sa pagtatrabaho sa ibayong-dagat, mainam na kilalanin muna ang dadayuhing bansa at mag-ingat laban sa mga illegal recruiter. Magsaliksik, maging mapagmatyag at maghanda, at magtanong-tanong bago sumabak sa pakikipagsapalaran sa isang malayong banyagang lupain.

Ang Czech Republic ay napapaligiran ng mga bansang Poland, Slovakia, Austria at Germany. Czech ang opisyal na lengguwahe nito na nakakatulong din na mapag-aralan at matutuhan ito kung magtatrabaho sa Czechia.

Batay sa mga nakalaang impormasyon, nagsimula sa Czech Republic ang salitang “Robot” na inimbento ng Czech writer na si Karl Czapek para ilarawan sa isa niyang dula ang isang nilalang na walang kaluluwa pero nagagawa ang mga trabahong ayaw  gawin ng mga tao.

Pang-walo ang Czech Republic sa mga pinakaligtas at mapayapang bansa sa mundo noong 2020.

Sobrang type ng mga Czech ang mga kabute. Madalas silang nasa kagubatan para manguha ng mga mushroom.

Ang kakaibang Museum of Hygiene sa Prague na kabisera ng Czech Republic ay mayroong koleksyon ng mahigit 2,000 arinola at inidoro kabilang ang isang Titanic toilet seat.

Merong isang John Lennon wall sa Prague na madalas mabago ang mga nakasulat na graffiti. Matatagpuan ito sa Mala Strana region. Dati itong tinatawag na “wailing wall” na ginagamit ng mga protester nang panahong iyon sa pagsusulat ng mga mensaheng pulitikal.

Itinayo noong 1348 ang Charles University sa Prague na isa sa pinakamatandang permanenteng pamantasan sa mundo.

Naglipana sa Czech Republic ang mga public libraries. Avid reader ang mga Czech. Sa average, bawat mamamayan sa bansang ito ay nakakapagbasa ng 13 aklat kada taon.

Pambansang sport ng Czech Republic ang hockey. Matatagpuan sa bansang ito ang pinakamalalim na underwater cave sa mundo na tinatawag na Hranická propast. Popular din dito ang exhibition ng mga dolls at puppets. Kung mahilig kang mamasyal sa mga park at garden, marami nito sa Czech Republic.

Maraming simbahan sa Czech Republic pero ayon sa 2021 census, 57.4% ng mga Czech ay Agnostic, Atheist, o non-believers, 30% without stated religion, 9.3% Roman Catholic at 0.6% Protestant. Mas mababa sa 15% ang naniniwala sa Diyos.

Sa buong mundo, pinakamalakas uminom ng beer ang mga mamamayang Czech. Sinasabing 182 litro ng beer ang naiinom ng bawat tao, bawat taon noong 2020.

Karaniwan sa mga nagiging trabaho ng mga dayuhan sa Czech Republic ay nasa finance, IT, tourism, manufacturing, automotive industry, Customer Service, Sales, Marketing, Hospitality, Account Management and Business Development, at IT. Maraming dayuhan ang nakakakuha ng trabaho sa Prague, Brno at Ostrava.

Kahit hindi ka marunong ng salitang Czech, makakakita ka pa rin ng trabaho dahil maraming international companies dito ang gumagamit ng English bilang lengguwahe sa trabaho.

Gayunman, mas makakabuti pa rin na meron kang alam na salitang Czech. Kahit basic lang. Nakakatuwa din makita ang kasiyahan sa mukha  ng mga may-ari ng mga tindahan kapag kinakausap mo sila sa sarili nilang wika.

Sinasabi sa Czech National Agency for Int’l Education and Research na maraming dayuhan ang gustong magtrabaho sa Czech Republic dahil ang mga Czech employer ay nagbibigay ng magagandang benepisyo, extra vacation days, safe working environment, at oportunidad sa pag-asenso sa trabaho. Ang suweldo sa Czechia ay maaaring mula CZK 24,305   (58,477 sa Philippine peso) hanggang CZK 73,200 (P176,116.75). Noong 2022, ang minimum wage ay CZK 16,200 gross (P38,976), pagtataya lang ito.  Maaa-ring may mga pagbabago sa katagalan ng panahon kaya mahalagang magsaliksik at maging maalam at mulat.

* * * * * * * * *

Email- [email protected]
 

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with