6 milyong bahay target ipatayo
Anim na milyong pamilya ang walang bahay.
Kolo-kolonya sila sa tabing bangin, ilog at dagat. Ikinabubuhay nila ang pagtitibag ng graba o pagkakaingin sa bundok, pamimingwit sa ilog, at pangingisda sa dagat.
Bingit-buhay silang maralita. Kapag lumindol, bumagyo at magka-daluyong, giba ang mga kubo nila. Natatabunan ng landslide, nalulubog sa baha, natatangay ng alon.
Balak ng Marcos Jr. administration magtayo ng isang milyong bahay kada-taon, o anim na milyon sa anim na taong termino. Pero kapos ang pera ng gobyerno. Katiting lang ng pondong hinihingi ng Department of Human Settlements and Urban Development ang nailalaan ng Kongreso: 10% nu’ng 2022, 4% nu’ng 2023, 4.7% ngayong 2024.
Kailangan ang tulong ng pribadong sektor – mga negosyante at NGOs – para sa murang pabahay. Kayang hulugan ng maralitang pamilya ang pabahay nang P3,000-P5,000 kada buwan. Maglaro dapat sa gan’ung budget ang builders. Sa tulong ng gobyerno, banatin nila ang panahon ng pagbayad nang 30 taon.
Disente dapat ang pabahay – may banyo, kuwartong tulugan, at pinagsamang kusina, kainan at sala. Maaliwalas, matibay; 36 metro kuwadrado-pataas.
Ang halaga ng lote ay 30% ng pabahay. Masyadong malaki! Sa larangang ito dapat tumulong ang pambansa at lokal na gobyerno. Imbentaryuhin ang mga nakatiwangwang na lote ng estado. Gayundin ng mga probinsya, lungsod at munisipalidad.
Mahal ang halaga ng lupa sa lungsod at poblasyon. Dapat dun ay vertical o pataas: apat na baytang na apartments. Kung malayo na, maari ang horizontal construction: tig-isang baitang na rowhouses.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest