Mukha lang mas mahal ang kuryente sa Pilipinas
Bakit mas mahal ang kuryente sa Pilipinas kumpara sa mga kapit-bansa? Malimit ‘yan maitanong ng mga mamimili.
Simple ang sagot. Mukhang mas mahal lang ang kuryente sa Pilipinas. Pero sa totoo, mas mahal ang sa mga kapit-bansa.
Nagmumukha lang mas mura ang kuryente sa mga kapit-bansa dahil sinusustentuhan ito ng mga gobyerno nila. Ulat ‘yan ng International Energy Consultants.
Sinuri ng IEC ang Indonesia, Korea, Malaysia, Taiwan, Thailand at Vietnam. Tatlong uri ang sustento o subsidy sa anim na bansa:
• Cash para sa power companies,
• Libre o murang langis o uling, at
• Pagpapaliban ng bayad ng buwis o utang.
Walang ganyang sustento sa power producers at distributers sa Pilipinas. Kanya-kanya silang bili ng langis o uling mula sa abroad.
Masuwerte ang Malaysia at Indonesia kase may sarili silang langis. Mas lalo na ang Indonesia kasi meron ding sariling uling. Hamak na mas mayaman kaysa Pilipinas ang Taiwan, Thailand at Vietnam.
Imported ang langis at uling ng Pilipinas kaya mahal. May gas pa sa Malampaya Field, pero ang halaga ay naka-index sa pandaigdigang presyo, at dolyar pa man din.
Dahil sa COVID-19 at Russia-Ukraine war sumipa ang presyo ng langis nang 32%, $69 hanggang $91 per barrel. Sumipa rin ang presyo ng uling nang 270%, $105 hanggang $390 kada tonelada. Ang kabuoang sustento sa kuryerte sa anim na kapitbansa ay $138 bilyon.
Sinuri rin ng IEC ang presyo ng kuryente ng 39 pang bansa. Lumabas na mas mura ang Meralco nang 3% kaysa average nilang lahat.
Pero kung alisin ang anim na kapitbansang de-sustento, lalabas na mas mura ang Meralco ng 13% ng average.
- Latest