Bigas imbes na salapi
May lohika ang ideyang ito na sa halip na pera ang ibigay sa mga maralitang benepisyaryo ng 4Ps, gawin na lang itong bigas. Iyan daw ang rekomendasyon ng mga think-tank ni Presidente Bongbong Marcos sa harap ng labis na mataas na presyo ng butil.
Oo nga naman. Bigas ang pangunahing pagkain na kailangan ng lahat lalo na ng mga mahihirap nating kababayan. Kung pera ang tatanggapin ng mga 4Ps beneficiaries, malamang hindi nila lubos na maa-afford ang presyo ng bigas.
Marahil, maraming mahihirap ang tututol dito. Likas kasi sa tao na mas gugustuhin ang cash kaysa kalakal. Kapag pera ang tinanggap nila sa pamamagitan ng ATM, magagamit nila ang halaga sa mga bagay na mas gusto nila pati pantustos sa kanilang bisyong pag-inom ng alak o pagsusugal.
Ganyan kasi kadalasan. ‘Yung mga lulong na sa kanilang bisyo. Ginagawang second priority na lang ang pagkain. Di bale nang magutom mairaos lang ang masamang bisyo. Naranasan na natin iyan sa kasagsagan ng COVID pandemic nang nagbigay ng ayudang cash ang pamahalaan sa mga mamamayan.
‘Yung iba nga ay isinasanla pa ang ATM cards para makukuha ng advance ang pera nila na siyempre, may kaltas na ng pinagsanlaan. Ayaw nating mangyari iyan kaya angkop na angkop ang proposal na imbes na salapi ay bigas ang ipamigay.
- Latest