Handa ba sila magturo ng pagbasa’t unawa?
MALIMIT ibintang sa dagsa ng online videos ang kahinaan ngayon ng kabataang magbasa, lalo na sa English. Isa lang sa bawat 10 batang edad 15 ang bihasa magbasa at umunawa. Bago mag-pandemic, tatlo lang sa bawat 10 ang marunong.
Pero tila mali ang pagsusuring ‘yon. Obligado pa rin naman magbasa ng libro ang mga estudyante. Obligado rin magkaron ng library bawat lungsod at munisipalidad. At marami ring kaakit-akit na babasahin online.
Nu’ng bata pa sila, nalulong sa television ang matatanda ngayon. Pero hindi naman sila napulpol sa reading comprehension. ‘Yun ay dahil nga obligado rin sila magbasa ng libro sa paaralan. Maraming mahusay na diyaryo at magasin. At magaganda ang libro sa bookstores.
Nauugat sa pagtuturo ang kahinaan sa reading comprehension. Maaring hasang-hasa ang reading comprehension ng guro pero mapurol ang kaalaman sa pagtuturo. Maari ring pulpol sa pagbasa at pag-unawa, kaya walang maituturo.
Nagpapatupad ngayon ang Department of Education ng “Catch up Fridays”. Ginugugol ng mga guro ang Biyernes sa reading comprehension. Bukod sa aktwal na pagbasa, may mga laro, dula, paligsahan at flash cards.
Idinagdag din ang pagtuturo ng kalusugan at kabutihang-asal. Meron pang “kapayapaan”, tila para gawing dungo ang kabataan.
Ito na ba ang wastong solusyon? Hindi ba dapat suriin muna ku’ng marunong talaga ang mga guro? Marami nang mga eksperto na nagpayo sa DepEd na siguruhin ang kalidad ng pagtuturo. Makinig sana sa kanila ang burokrasya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest