^

PSN Opinyon

Malas sa pag-ibig

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Isang kaso na naman ito tungkol sa kasal na hinihinging­ ipawalang-bisa dahil sa psychological incapacity ng asawa alinsunod sa Art. 36 ng Family Code. Sa mga dating­ kaso, tinitingnan kung sapat ang kabuuan ng ebidensiya para ma­pawalang-bisa ang kasal. Ang isyu rito ay ang hindi pag­ka­kasundo ng mag-asawa at ang pagkakaiba ng kani-kani­lang kultura lalo at banyaga ang isa sa kanila. Ang mga diperensiya ba nila ay katumbas ng psychological incapacity? Ito ang isyung sasagutin sa kaso nina Nida at Dino.

Si Nida ay isang Pilipina na nakilala sa internet chatroom si Dino na isang Italyano. Nag-umpisang magpalitan ng sulat ang chatmates na naging dahilan kung bakit nagkalapit ang loob nila. Napakalambing, mabait, masayahin at roman­tiko ni Dino. Pinadama niya kay Nida na mahalaga sa kanya ang babae kahit pa magkalayo sila. Laging nagpa­padala ng text/joke si Dino lalo sa mga importanteng okasyon kahit pa nasa Pilipinas si Nida at nasa Italy naman siya.

Anim na buwan pagkatapos nilang magkita ay nagyaya na si Dino na magpakasal sila. Isang taon pagkatapos ay lumipad siya mula Italy papuntang Pilipinas para pakasalan si Nida. Pagkatapos ng kasal ay bumalik siya ng Italy at sumunod naman ang babae pagkatapos ng isang buwan. Doon tumira ang mag-asawa sa Italy.

Habang kasal sila ay nagtatrabaho si Dino at nagbi­bigay ng pera kay Nida na laging nagrereklamo na kulang ang pera nila. Nalaman din ni Nida na hindi malinis sa katawan si Dino at hindi pa tuli. Drug addict din ang lalaki at mahilig­ sa video games. Habang bakasyon o kahit pa oras ng trabaho ay hindi mapigil ang lalaki sa paglalaro ng video games. Kaya lumalabas na isip bata, iresponsable at naka­dikit sa saya ng nanay ang mister.

Ayon pa kay Nida, walang panahon ang lalaki para sa kanya bilang asawa. Kaya pagkatapos lang ng isang taon at tatlong buwan na pagsasama ay bumalik na sa Pilipinas si Nida at iniwan si Dino.

Pagkalipas ng limang buwan, nagsampa ng petisyon si Nida sa RTC para ipawalang-bisa ang kasal. Ang OSG (Office of the Solicitor General) bilang kinatawan ng Republika ang kumontra sa petisyon. Bilang suporta naman sa kanyang petisyon ay tumestigo at sinalaysay ni Nida ang lahat ng nangyari sa kanila ng asawa. Ginawa rin niyang testigo si Dr. Naty Bondoc na isang clinical psychologist. Ayon sa doktora ay mayroong “Dependent Personality Disorder with underlying Anti-Social Trait” si Dino base sa ginawa niyang interbyu kay Nida. Pati ang nanay ni Nida ay tumestigo at kinampihan ang sinabi ng anak.

Pagkatapos ng paglilitis ay naglabas ng desisyon ang RTC. Binasura nito ang petisyon ni Nida dahil hindi raw nagawang patunayan ng babae na walang bisa ang kasal nila. Kinatigan din ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC. Ang pagiging iresponsable, isip-bata, adik sa droga at laro, tamad, hindi malinis sa katawan pati ang pag-ayaw nitong gampanan ang responsibilidad bilang mister ay hindi sapat. Hindi rin puwedeng umasa sa mga pagsusuri ni Dr. Bondoc dahil hindi naman nito nagawa ang mga test kay Dino kundi kay Nida lamang.

Parehas din ang naging desisyon ng SC sa RTC at CA. Ayon sa SC, ang isyu kung mayroong psychological incapacity sa kaso ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi na hawak ng korte ang bagay na ito. Hindi trabaho ng korte na pag-aralan ang ebidensiya kung susuportahan nito ang paratang lalo at kinampihan ng CA ang lahat ng ginawa ng RTC. Obligado ang hukuman na sundin ang tinatawag na “factual findings”.

Ang psychological incapacity sa Art. 36 ng Family Code ay naipapakita sa pamamagitan ng a) bigat, b) naunang desisyon na kamukha nito, at c) hindi ito nagagamot. Ito ay dapat na seryoso at hindi makakaya ng asawa na gampanan ang kanyang ordinaryong tungkulin. Dapat na nakaugat ito ilang taon bago pa sila nagpakasal pero lumabas lang ang senyales noong kasal na sila. Walang gamot para dito. O kung mayroon man ay wala sa kakayahan ng bawat isa.

Ang tungkulin na patunayan ang psychological incapacity ay responsibilidad ni Nida. Tama lang ang RTC at CA sa pagbasura ng petisyon dahil hindi napatunayan ng babae na mayroong psychological incapacity (Espina Dan vs. Dan, G.R. 209031, April 16, 2018).

vuukle comment

FAMILY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with