Sugarol ang asawa
Kaso ito nina Connie at Sonny na unang nagkita sa isang banko noong naghahanap sana si Connie ng trabaho. Nagtatrabaho na noon sa banko si Sonny bilang credit investigator. Agad siyang naakit sa personalidad ni Connie. Hindi siya nag-aksaya ng oras at agad na niligawan ang babae hanggang maging syota niya. Bandang huli ay nagpakasal sila sa isang simbahan sa isang magarang subdivision.
Nang magsama ang dalawa, agad napansin ni Connie na hindi tapat at pagiging maluho sa katawan ng kanyang mister kahit pa mapabayaan ang sariling pamilya. Masyado rin itong banidoso at sugarol pa. Mabuti na lang at may trabaho ang lalaki pati nagbibigay ng perang sustento sa pamilya at may sariling lupa na siyang kinatatayuan ng kanilang bahay. Doon nakatira si Sonny, Connie at kaniang mga anak hanggang sa tumuntong sa hustong edad. Ang mga magulang ni Sonny ay nagbigay ng P2.9 milyon na naging kabahagi ng lalaki sa isang lupa sa subdivision na kanilang ibinenta pero nagamit din ng lalaki ang pera sa gastos sa pamilya.
Pero sa kabila nito ay talagang hindi na nakatiis si Connie sa ugali ng mister, sa pagiging galante nito, pagiging isip-bata, banidoso, pagkahumaling sa sugal at kawalan ng kakayahan na gampanan ang tungkulin sa pamilya. Iresponsable daw si Sonny, babaero, may abnormal na pag-uugali, at siya pa ang pinababayaan na kumayod ng doble bilang solong breadwinner sa pamilya nila. Katunayan pa nga ay napunta sa isang Metro Psych Facility ng isang rehabilitation center ang lalaki dahil sa pagiging adik sa sugal ayon sa kuwento ni Connie.
Kaya nagsampa si Connie ng petisyon sa RTC para ipawalang bisa ang kasal. Sa paglilitis ay isinalaysay ni Connie ang karanasan kay Sonny. Nahirapan daw si Sonny sa sariling pamilya at nagkaroon ng palpak na kabataan dahil ang pagmamahal at pag-aaruga ng mga magulang ay nabaling sa kapatid nitong lalaki na ipinanganak noong limang taon na si Sonny. Tumestigo rin si Dra. San Pedro tungkol sa ulat niya na may kakaibang ugali ang lalaki.
Pinagbigyan ng korte ang petisyon pagkatapos ng paglilitis. Idineklarang walang bisa ang kasal mula pa noong umpisa (void ab initio) dahil sa psychological incapacity ni Sonny. Pero pagdating sa Court of Appeals ay nabaliktad ang hatol. Base daw sa kabuuan ng ebidensiyang isinumite ay hindi napatunayan na may taglay na psychological incapacity si Sonny.
Ang ibig sabihin daw ng psychological incapacity ay ang kawalan ng kakayahan ng isang tao na gampanan ang kanyang mga tungkulin at obligasyon bilang asawa tulad nang mahalin, respetuhin at maging tapat sa kabiyak pati bigyan ng tulong o suporta. Iba ito sa simpleng kapabayaan o pag-ayaw na gawin ang tungkulin bilang asawa lalo at hindi bunsod ng matinding sakit o kondisyon na sikolohikal.
Ang pagiging sugarol ni Sonny ay nag-umpisa lang pagkatapos ng kanilang kasal. Mismong si Connie ang umamin na hindi niya alam ang tungkol sa pagsusugal ng mister at napansin lang ito pagkatapos ng kasal. Siya rin ang nagsabi na mabait at maalalahanin ang lalaki noong nanliligaw pa sa kanya. Tama ba ang CA?
Oo, ayon sa Supreme Court. Ang psychological incapacity ay isang basehan para sa pagpapawalang-bisa ng kasal alinsunod sa Art. 36 ng Family Code. Ang tinutukoy dito ay hindi pisikal kundi mental na kawalan ng kakayahan ng asawa na maintindihan ang kanyang mga tungkulin sa kanilang pagsasama. Dapat ay grabe at seryoso ito. Nararapat din na patunayan ang kasaysayan o pinagmulan na nagkaroon ng mga senyales bago pa sila nagpakasal kahit pa naging kapansin-pansin lang pagkatapos ng kasal. Hindi rin ito nagagamot. O kung kaya man ay wala sa kakayahan ng taong sangkot.
Sa kasong ito, ipinakita sa ebidensiya na may kakayahan si Sonny na gampanan ang tungkulin niya bilang mister at magulang. May trabaho siya at kaya niyang bigyan ng sustento ang pamilya bukod pa sa may lupa at ari-arian kung saan ipinundar ang kanilang bahay. Inamin din ni Connie na nagsama sila bilang mag-asawa sa piling ng apat nilang anak. Pati si Sonny ang nagdala sa kanya sa ospital nang ipanganak niya ang mga bata.
Magkaiba ang pagiging sugarol ng mister sa pagkakarong ng psychological incapacity kahit pa sinabi ni Connie na iresponsable ang lalaki at hindi kayang magkaroon ng pirming trabaho. Ang tinutukoy sa Art. 36 ng Family Code ay hindi lang pagpapabayan kundi ang mismong kawalan ng kakayahan na gampanan ang tungkulin bilang asawa at padre de pamilya.
Hindi rin natukoy ng ulat ni Dra. San Pedro kung talagang may psychological incapacity si Sonny. Imbes ay inamin pa niya na ibang doktor ang gumawa ng test kay Sonny pero hindi ginawang testigo. Ang pagiging lasenggo, sugarol at kawalan ng kakayahan na magkaroon ng trabaho ay hindi katumbas ng psychological incapacity na hinahanap sa batas. Tama lang na pagtibayin at huwag sirain ang bigkis ng kasal sa pagitan nina Connie at Sonny (Singson vs. Singson, G.R. 210766, January 8, 2018).
- Latest