EDITORYAL - InutiLTO
Noong nakaraang Disyembre 2023, sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Chief Atty. Vigor Mendoza II na wala na raw problema ang mga magre-renew at kukuha ng bagong lisensiya dahil may sapat nang plastic para sa mga ito. Hindi na raw mag-iisyu ng lisensiyang papel ang LTO sa 2024. Ayon sa LTO chief, paparating na ang binili nilang apat na milyong plastic para sa driver’s license card. Magwawakas na raw ang matagal na paghihintay ng mga aplikante. Umabot sa 700,000 ang backlog ng drivers licence dahil sa kakulangan ng plastic. Sabi pa ni Mendoza, pati raw ang backlog sa car plates ay nasolusyunan na rin dahil isang milyong metal plates ang nagagawa ng LTO.
Maraming natuwa sa sinabi ng LTO chief lalo na ang mga naisyuhan ng “lisensiyang papel” na nalulukot sa kanilang pitaka. Marami sa lisensiyang papel
ang halos gutay-gutay na. Hindi naman daw ito puwedeng i-laminate para maiwasang masira ayon sa LTO. Pero ang kasiyahang nadama ng mga kukuha o magre-renew ng drivers licence ay napalitan nang mapait na ngiti sapagkat ayon kay Mendoza noong nakaraang linggo, ubos na naman daw ang plastic cards at posibleng lisensiyang papel muli ang iisyu sa mga aplikante.
Ang nakagugulat pa, donasyon lang daw ang dumating na mga plastic cards na nagmula sa Philippine Society of Medicine for Drivers. Pero unang sinabi ni Mendoza noong Disyembre na binili raw ito ng LTO. Ano ba ang totoo rito? At sinabi pa ng LTO chief, ang mga donasyong plastic cards daw ay kailangan pa ring sumailalim sa verification process ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Kailangan din daw inspeksyunin ng Office of the Solicitor General, ng House Committee on Transportation at Department of Science and Technology.
Sa madaling salita, hindi pa tapos ang kalbaryo ng mga mag-aaplay ng drivers licence dahil sa kakulangan ng plastic cards. Lagi na lang ang plastic cards ang ugat nang lahat ng problema.
Hindi naman dapat nagkaroon ng kakapusan sa plastic cards ang LTO kung ginampanan ng mga pinuno ang tungkulin. Unang nagkaroon ng problema sa kakapusan ng plastic cards sa panahon ni LTO chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade na nagbitiw noong Mayo 2023. Ikinatuwiran ng DOTr na hindi nakipag-ugnayan ang dating LTO chief sa pagbili ng plastic cards.
Matatandaan na sinabi ni Tugade na ang DOTr ang nagpo-procure ng plastic cards. Pero sabi naman ng DOTr ang LTO ang naatrasado sa paghahanda sa proseso ng pagbili. Dumaraan umano sa maraming hakbang ang procurement para matiyak na tama ang pagbili ng plastic cards. Nagturuan ang LTO at DOTr. At sa pagtuturuan, publiko ang naapektuhan.
Ngayon, tiyak nang babalik sa lisensiyang papel. Sino pa ang maniniwala sa LTO na ang mga pangako ay napapako.
- Latest