^

PSN Opinyon

Airport Drama: Salamin sa buhay ng mga OFW

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Isang maikling drama ang nasaksikan ng mga tao sa Ninoy Aquino International Airport noong umaga ng Enero 10, 2024. Miyerkules. Na-ging laman ito ng mga balita kinabukasan at maging sa mga sumunod na araw.

Papunta na sana sa Doha, Qatar bago dumiretso pabalik sa kanyang trabaho bilang domestic helper sa Kuwait ang 31-anyos na overseas Filipino worker na si Myren Detari Onato. Pero habang naghihintay ng biyahe ng kanyang eroplano, dumating sa NAIA ang 34-anyos niyang asawa na si Jonard Banate at hinarap siya. Ayon sa naglabasang mga ulat, nagtatalo ang mag-asawa. Kinukumbinsi ni mister si misis na sumama ito sa kanya sa Batangas. Tumatanggi ang babae kaya inagaw ng lalake ang cellphone ni Myren at sinira ito. Kinuha at pinagpupunit ni Jonard ang passport at boarding pass ng kanyang asawa.

Pagdedetalye ng OFW tungkol sa pagkikita nila ng mister sa airport, “Hinihila niya ako, dadalhin daw niya ako roon sa Batangas. Ang sabi ko, ‘Hindi puwede. Pumalag ako. Eh, hinila niya ako, bigla na lang niya kinuha ang cellphone ko, tapos binato niya. Sunod ‘yung passport ko. Pinunit niya ‘yung front page ng passport ko, tapos ticket ko,” lahad ng biktima.

Sinabi ni Myren na selos at pananakit ng mister ang dahilan ng kanilang away.

Nauna rito, umuwi siya sa Roxas City, Capiz noong Disyembre para sa isang buwang bakasyon. Pagsapit ng Bagong Taon, nag-away ang dalawa dahil may pinagseselosan daw si Jonard na kainuman nila ni Myren. Nauwi ang away sa pananakit ng lalaki sa babae. Hindi mabatid kung kumpirmadong nakainom ng alak ang mister nang sugurin niya sa airport ang kanyang asawa.

Sinabi ni Myren sa isang hiwalay na panayam na hindi ito ang unang beses na sinasaktan siya ng mister kapag nakainom ito. Kaya nagdesisyon ang OFW na makipaghiwalay na kay Jonard. Pero hindi raw niya inasahang may mangyayari pang gulo sa airport.

Humahagulgol siya sa airport. Hinihintay na siya ng kanyang amo sa Doha pero hindi siya nakaalis dito sa Pilipinas dahil nawasak ang kanyang passport na lubhang matatagalan bago mapalitan. Inaresto at kinasuhan naman ng pulisya si Jonard.

Sinasabi ng pulisya na nag-away noong Bagong Taon ang mag-asawa. Ayaw paalisin ni mister si misis. “Ayaw niya, kasi nag-away sila noong New Year, iniwan noong babae. Eh ayaw niya nang kausapin. Ayun inabangan niya, rito kasi alam niya na may flight eh,” ayon sa pulisya.

May tatlong anak ang mag-asawa na nasa pangangalaga na ngayon ng pamilya ng babae.

“Pitong taon po na walang trabaho ‘yan. Kahit buntis ako sa abroad, tinutulungan ko nga po siya. Pero sobra na ang pananakit niya kaya nagpa-rescue na ako sa aking mga magulang at lumayo na po kami sa kanya,” sabi ni Myren.

Gayunman, sinasabi sa mga ulat na merong trabaho si Jonard sa Batangas nang maganap ang insidente sa NAIA.  Desidido naman si Myren na hiwalayan at idemanda ang asawa. Walang lumalabas na pahayag mula sa panig ng lalake kaya hindi malinaw kung totoo o hindi ang akusasyon ng babae sa kanya. Maaaring may tamang dahilan si mister at may tama ring dahilan ni misis.

Pero ang nangyaring eksenang iyon sa airport ay masasabing hindi na bago o kakaiba.

Hindi ito basta isang paksang parang pang-“showbiz” o bagay na pinagpipiyestahan ng mga tinatawag na “Marites.” Hindi malayong nangyayari rin ito sa ibang mga OFW bagaman hindi lang nalalantad sa publiko o nababalita.   Sinasalamin lang nito ang isa sa matagal nang reyalidad sa buhay ng maraming OFW. Ang epekto sa isang pamilya ng paglayo ng isa nilang miyembro para makipagsapalaran sa dayuhang lupain. Nagkakaroon ng panganib sa pagsasama ng isang mag-asawa kapag ang isa sa kanila ay nangibang-bansa. Mahirap nang mabilang ang mga OFW na napahiwalay sa kani-kanilang asawa sa iba’t ibang kadahilanan.

Nagiging saksi na nga ang airport sa malulungkot na pagpapaalaman ng mga OFW at ng kanilang asawa. Parang nagiging masamang pangitain ang mga luha sa kanilang mga mata at lungkot at kaba na bumabalot sa kanilang mga dibdib habang nagsisimula silang magkalayo. Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman nila. Saya dahil nakakasilip sila ng magandang pag-asa para sa kanilang kinabukasan at lungkot dahil matagal silang magkakahiwalay.   Pero maraming puwedeng magbago habang malayo sila sa isa’t isa.  Mga pagbabagong maaaring sumubok, sumira o magpatibay sa kanilang relasyon at pagmamahalan. Nakaamba ang tukso sa kanilang paghihiwalay na dapat sanang pansamantala lang at hindi panghabambuhay.

May mga kaso naman na meron nang lamat sa pagsasama ng isang mag-asawa na tuluyang nasira nang mangibang-bansa ang isa sa kanila.

Kaya nga ang pangingibang-bansa ng mga gustong ma-ging OFW lalo na iyong may maiiwang asawa ay isang mabigat na desisyong dapat pinag-aaralan ng mabuti, pinaghahandaan nang matagal at tinitimbang ang makakabuti at makakasama kahit pa sabihing kailangangkailangan nang makipagsapalaran sa ibang dayuhang lupain.

Maraming puwedeng mangyari at magbago habang nasa ibang bansa ang isa sa kanila, maganda man o pangit, masaya man o malungkot, kahit hindi nila inaasahan at hinahangad.

* * * * * * * * * * * *

 

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

WORKER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with