Salubungin ang bagong taon ng may galak at sigla
Sari-saring hamon ang naranasan ng ating mahal na lungsod ngayong taon. Ngunit hindi tayo nagpatinag at itinuloy ang paghahatid ng mabuting serbisyo at pamamahala sa ating QCitizens.
Dahil sa suporta at pakikiisa ng QCitizens, napagtagumpayan natin ang pagbibigay ng kinakailangang social services gaya ng libreng gamot, scholarship, libreng sakay at pati libreng libing. Nakapagbigay tayo ng dagdag-puhunan at katiyakan sa paninirahan lalo na sa mga matagal nang nakatirik ang bahay sa lupaing hindi nila pag-aari.
Sa dami ng mga proyekto at programang ating ipinatupad, nakamit natin ang kabi-kabilang pagkilala.
Ito’y patunay na hindi lang QCitizens ang nakakaramdam ng ating mabuting pamamahala, kundi kitang-kita rin ito ng iba-ibang pribadong organisasyon at ahensiya, sa loob o labas man ng Pilipinas.
Kaya karapat-dapat lang na salubungin natin ang bagong taon ng panibagong sigla para magtuluy-tuloy pa ang biyayang ating nakakamit.
Handog ng lokal na pamahalaan ang pinaka-bonggang New Year Countdown sa darating na linggo at gaganapin ito sa Quezon Memorial Circle. Iba-ibang banda at performers ang ating inanyayahan para pasayahin ang lahat ng QCitizens.
Kabilang sa lineup ang Mayonnaise, The Dawn, Cueshe, Imago, Orange and Lemons, Shamrock, Autotelic at Tropical Depression.
Pinakatampok ang performance ng phenomenal star na si Vice Ganda. Alam kong marami sa ating QCitizens ang humahanga at nag-aabang sa kanya kaya tiyak na magiging masaya ang ating pagdiriwang.
Kasama rin dito ang drag queens na sina Precious Paula Nicole, Captivating Katkat, Arizona Brandy at Bernie. Hindi rin pahuhuli ang KDolls, Buganda, DN Powerdance at si Bassilyo. Makikisaya rin ang mga host na sina Allan K, Tuesday Vargas, Boobay, Tekla at Uma.
Iniimbitahan ko na ang lahat na makisaya. Akayin na ang inyong mga kaibigan at kapamilya para sama-sama nating salubungin ang 2024 na may ngiti sa ating mga labi at galak sa ating puso.
Pinaaalalahanan naman ang mga motorista na asahang bibigat ang daloy ng trapik sa Elliptical Road kung saan gaganapin ang New Year Countdown.
Sa pagsapit ng 2024, asahan ninyo ang tuluy-tuloy na paghahatid ng tapat na serbisyo at pagtutok sa kapakanan ng ating mga QCitizens.
Ipagpapatuloy natin ang pagpapabuti ng buhay sa lungsod Quezon. Dalangin ko ang mas masaya, masagana, maunlad at maligayang 2024 sa ating lahat. Advance happy new year sa lahat!
- Latest