EDITORYAL - May makalaboso na kayang agri smugglers?
MAY Anti-Agricultural Smuggling Act na isinabatas noong 2016. Nakasaad sa batas na mapaparusahan nang mabigat ang agricultural smugglers. Pero pitong taon ang lumipas, wala ni isa mang nahuli at naparusahang agri smugglers. Lalo pang naging talamak ang pagpasok sa bansa ng agri products gaya ng bigas, asukal, sibuyas, carrots, at iba pa. Hanggang ngayon patuloy ang agri smuggling at naging inutil ang Anti-Smugging Act.
Dahil sa smuggling ng agri products, nawalan ng P30 bilyon ang pamahalaan noong nakaraang taon. Ngayong 2023, sinasabing mas malaki pa ang nawala sa kaban ng bansa dahil sa talamak na smuggling ng agricultural products partikular ang bigas. Maraming smuggled na bigas ang nakaimbak sa mga bodega sa maraming lugar sa bansa. Noong nakaraang buwan, tatlong bodega sa Bulacan ang nadiskubreng naglalaman nang maraming sako ng bigas. Marami ring smuggled na bigas sa Zamboanga.
Noong Huwebes, inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang Kapulungan ng Kongreso na madaliin ang pagpapasa ng batas na magpapataw nang mabigat na parusa sa mga masasangkot sa economic sabotage. Sinertipikahan niyang “urgent” ang Senate Bill 2432 na ang layunin ay itaguyod ang pagiging produktibo ng sektor ng agrikultura at protektahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa mga mapagsamantalang negosyante at importer. Mabigat na parusa laban sa smuggling, hoarding, profiteering at kartel ng mga agricultural at fishery products. Habambuhay na pagkabilanggo ang ipapataw sa mga masasangkot.
Mabigat ang parusa sa mga “salot” na smugglers at hoarders ng agri products. Ang tanong ay kung magkakaroon ng pangil ang panukala. Madali lang namang sabihin na ipakukulong ang mga smugglers pero ang pagpapatupad nito ang malaking katanugan.
Hindi kaya matulad lamang ang panukalang batas sa Anti-Agricultural Smuggling Act na nagsilbing dekorasyon lamang? Ang nararapat bugbugin dito ay ang Bureau of Customs (BOC) na malayang nagdaraan sa kanilang bakuran ang mga puslit na agri products. Kahit hindi na gumawa ng batas, kung ang BOC ang maghihigpit, walang makakapuslit na produkto.
Mas dapat na unahing linisin ang BOC kaysa gumawa ng batas laban sa smugglers. Kapag nalinis sa korapsiyon ang BOC, mawawala na ang smuggling.
- Latest