Balik ang mga sugalan sa Cagayan Valley
BUMALIK ang dice games ni Jerry Melad sa Bgy. San Gabriel, Tuguegarao City, Cagayan, matapos ang pagpapalamig nito sa batikos ng mamamayang naapektuhan sa kanyang pagpapasugal.
Ibig sabihin, nanumbalik din ang sabwatan ng kapulisan at lokal na pamahalaan matapos ang halos dalawang buwang tagtuyot sa bigasan ng mga lingguhang dumidikit sa iligal na negosyo ni Melad.
Fresh start para kay Melad ika nga dahil nakakuha ng basbas na magpasugal muli mula sa bagong upong PNP Cagayan Valley regional director Brig. Gen. Christopher C. Birung.
Malamang sa hindi, umayon na rin sa kumpas ni Melad sina Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que at Vice Mayor Bienvenido de Guzman. Kahit pagbali-baliktarin man ng gambling operator ang kanyang mundo kung hindi niya makausap ng mabuti ang mga lokal na opisyales, hinding-hindi siya makakabalik.
Hindi maaaring magkunwaring hindi nalalaman ni Cagayan police provincial director Col. Julio Gorospe at Tuguegarao City police chief Lt. Col. Richard Gatan ang panunumbalik ng iligal na opersyon ni Melad dahil kung totoong wala, malinaw na mayroon silang failure of intelligence.
Mula rin sa sabay na pagsasara sa sugalan nina Elmo Balisi at Edmund Tamayao sa Balzain East, Tuguegarao City noong unang linggo ng Hulyo, sumabay bumalik ang sarili nitong iligal na negosyo isang linggo na ang nakararaan.
Coincidence lang kaya ang pagbabalik nila Balisi at Tamayao o nainggit ito sa go signal ni Melad kaya kumuha na rin ng basbas sa mga kinauukulan?
At mistulang sabay-sabay ang kumpas dahil bumalik din ang pasugalan ni Ace sa Helera, Divinan St., Santiago City, Isabela.
Kabilang ang drop ball, cara y cruz at salisi sa mga pasugal ni Ace na natigil din pansamantala nang madawit ang pangalan ni Santiago City mayor Alyssa Sheena Tan-Dy, Isabela police director Col. Julio Go, Santiago City police chief Col. Tirso Manoli sa sabwatang pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan sa iligal na sugal.
Mayroong ding pasugalan malapit sa munisipyo ng Diffun, Quirino. Color games at salisi rin sa Solano, Nueva Vizcaya na malapit sa barangay hall.
Buong Cagayan Valley region mistulang mayroong kamukha nina Melad, Balisi, Tamayao at Ace.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected].
- Latest