7 taon na mula nang bombahin ang night market sa Davao City
PITONG taon na ang nakararaan nang bombahin ang Roxas Night Market dito sa Davao City.
Naganap ang pambobomba noong Setyembre 2, 2016 na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 70.
Malagim ang pinsalang natamo ng insidente na kung tutuusin, isang terorismo na nga lalo at maraming namatay at nasugatang inosenteng sibilyan.
Naalala ko pa ang pangyayari. Nagkaroon ng kaguluhan dulot ng pambobomba kung saan nagsisigawan at nagtatakbuhan ang mga tao.
Sikat at dinarayo ng mga turista at dayuhan ang night market. Wala silang pahiwatig na magaganap ang malagim na pambobomba.
Gabi-gabi, nagtitipun-tipon ang mga vendors sa nasabing night market at nagtitinda ng street foods, ukay-ukay at may mga bulag din na nagmamasahe.
Duguan ang karamihan ng mga biktima. Nang humupa na ang sigawan saka nga nalaman na 15 ang patay at 70 ang sugatan.
May naarestong mga suspects pagkatapos ng masinsinang imbestigasyon at pursuit operation. Hanggang ngayon, pagkalipas ng pitong taon, patuloy ang pagdinig ng kaso sa local court dito sa Davao City.
May ilang taon ding pinasara ang Roxas Night Market pagkatapos ng pambobomba.
Ngunit taun-taon naman ginugunita ng mga tao rito at ng Davao City local government ang karumal-dumal na pangyayari.
At napakabilis lumipas ng panahon dahil pitong taon na ang nakararaan pero ang makirot na alaala ay hindi malilimutan.
Harinawang hindi na maulit ang pambobomba at iba pang gawaing terorismo. Ang lubos na kawawa ay ang mga inosenteng sibilyan na laging nadadamay at nasasaktan at ang masakit pa ay namamatay.
- Latest