Car raffle online? Kuwidaw!
ANG social media ay pugad, kuta at paboritong palaruan ng mga dorobo, manggagantso, manloloko at sinungaling.
Dahil digital na ang mundo natin, digital na rin ang panloloko ng mga utak-kriminal at masasamang loob. Kung ano ang kaaya-aya sa panlasa, paningin at pandinig ng mga gumagamit ng social media, ‘yun ang gagawan nila ng kung anu-anong mga pakulo. Pero ang estilo, estilong panggagantso.
Tulad nang nangyari sa isang lalaki na lumapit sa BITAG Action Center. Sa pag-aasam niya na magkaroon ng sasakyan, bumili siya ng 10 raffle ticket na nagkakahalaga ng P1,000. Ito ‘yung mga car raffle online na nagpapataya sa Facebook ng mga slot kuno. Kapag ikaw ang masuwerteng mabunot, ikaw ang mag-uuwi ng premyo.
Ayon sa biktima, kaya rin daw siya bumili ng ticket dahil gusto niyang makatulong sa mga cervical cancer patient na makikinabang raw sa raffle for a cause. Sinuwerte naman daw dahil siya ang itinanghal na nanalo ng isang Toyota Wigo noong isinagawa ang raffle. Subalit makalipas ang ilang araw, ang akala niyang napanalunang sasakyan, binawi ng car financing company.
Entonses, ang sasakyang ipina-raffle hindi pa pala bayad ng kompanyang nagpa-raffle o ang Anatole Helios International Inc. Ilang beses naming tinawagan at binigyan ng due process ang kompanya at ang may-ari nito pero nowhere to be found.
Ayon sa nagrereklamo, nangako naman daw ang mayari ng Anatole na si Julie Benedicto na gagawan niya ng paraan ang hinatak na sasakyan. Ang problema ang putok sa buho naglaho nang parang bula.
O, sa mga nagbabalak na tumaya o sumali sa mga car raffle online, kuwidaw! Baka kayo naman ang susunod na maloko, maperwisyo at mabiktima.
Sa mga nasa likod naman ng car raffle online, umayos kayo! Tiyakin n’yo na ang papremyong ipinamimigay ninyo bayad na at totoo. Dahil kung hindi, sigurado matatabang rehas ang hihimasin niyo!
- Latest