Pandaigdigang giyera kontra plastic pollution
Hindi lang sa Pilipinas problema ang plastic pollution kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo.
Gaya ng Quezon City, maraming siyudad ang nakararanas ng masamang epekto ng plastic pollution, tulad ng pagbaha dulot ng mga baradong kanal, mababang kalidad ng hangin dahil sa nasusunog na plastic at ang hamon kung paano ididispatsa ang sangkatutak na basurang plastic.
Sa lala ng problema, minabuti ng mga kapwa nating local chief executives mula sa iba’t ibang parte ng mundo na idulog ang problema sa isang high-level event na inorganisa ng French Government at United Nations Environment Programme (UNEP).
Malaking karangalan naman na tayo ang napiling kinatawan ng mga lokal na pamahalaan para magparating ng kanilang mga hinaing sa pulong na ginawa sa Paris, France, kamakailan.
Ipinaabot natin sa event ang mga ginagawang hakbang ng ating siyudad para mabawasan ang paggamit ng single-use plastic.
Una rito ang pagbabawal sa paggamit ng single-use plastic bags at disposable cutleries, straws, at cups sa mga restaurant at fast food chains para sa dine-in customers; at pagbabawal ng single-use containers at sachets sa mga hotels.
Ipinatupad din natin noong 2021 ang Trash to Cashback program para hindi na mauwi ang mga basurang plastic sa mga daluyan ng tubig. Sa programang ito, dinadala ng mga residente ang kanilang recyclables at single use plastics sa mga itinakdang lugar kapalit ng environmental points na kanilang magagamit na pambili ng grocery at pambayad ng utility bills.
Ilan sa mga hakbang na ginagawa natin sa Quezon City ay ginagawa rin ng iba pang bansa, ngunit kulang pa rin ito para matugunan ang krisis sa plastic waste.
Nagkaisa kami ng mga kapwa ko local executives na hindi namin kaya ang napakalaking hamon ng plastic pollution at kailangan ng isang malawak na global plastics treaty na magpapatibay sa sari-saring pagkilos na ito.
Kabilang sa mga nais naming isama sa treaty ay ang total ban sa tinatawag na unnecessary plastics at adoption ng reusable items; paglikha ng isang pinansiyal na mekanismo para tulungan ang mga siyudad na magkaroon ng malinaw at tuloy-tuloy na programa para mabawasan ang negatibong epekto ng plastic waste, at palakasin ang pagtutulungan ng mga siyudad at mga negosyo ukol sa treaty para matiyak na makakapagbuo ng mga programang makatotohanan na epektibong maipatutupad.
Umaasa ako na sa sama-samang pagkilos ng iba-ibang siyudad, tuluyan na nating matutuldukan ang problema sa plastic pollution.
- Latest