Tips para hindi magkasipon
ANG sipon (common cold) ay isang viral infection sa itaas na bahagi ng respiratory tract, ilong at lalamunan. Ang palatandaan nito ay masakit na lalamunan, ubo at kung minsan, nagluluhang mga mata, pagbahin at pagbabara ng ilong. Karamihan sa matatanda nararanasan ang sipon ng dalawa hanggang apat na beses sa loob ng isang taon. Sa kabataan naman lalo sa preschoolers, nagkakaroon sila ng sipon anim hanggang 10 beses sa isang taon.
Tips para hindi magkasipon:
1. Uminom nang maraming tubig at likido—Magandang uminom ng tubig, juice at tsaa. Dahil nakatutulong ito na palitan ang mga nawalang tubig sa katawan habang nabubuo ang sipon o may lagnat. Iwasan ang uminom ng kape dahil nagdudulot ito ng dehydration. Iwasang manigarilyo.
2. Humigop ng sabaw ng manok—Nakatutulong ang pag-higop ng sabaw sa mga taong may sakit. Ayon sa mga eksperto napagiginhawa nito ang iyong pakiramdam sa dalawang paraan: (1) Una, ito ay anti-inflammatory at nakababawas ng produksyon ng sipon at plema sa iyong respiratory tract; (2) Pangalawa, pansamantalng pinabibilis nito ang galaw ng sipon papunta sa ilong, para makatulong guminhawa sa baradong ilong at bawasan ang pagdami ng virus na dumidikit sa paligid ng ilong.
3. Magpahinga—Kung kinakailangan, manatili na muna sa bahay at huwag muna pumasok sa trabaho kung mayroong lagnat, matinding ubo, o pagkahilo. Ang pahinga ay mahalaga para mas mapadali ang pag-galing.
4. Gawing komportable ang kuwarto—Gawing maaliwalas o hindi mainit sa pakiramdam ang kuwarto, maaring bumili ng aircon kung kinakailangan. Linisin ng madalas ang aircon para maiwasan ang pagdami ng bacteria at amag.
5. Paginhawahin ang lalamunan—Magmumog ng maligamgam na tubig na may halong asin sa umaga. Uminom ng maligamgam na lemon na may halong honey, dahil ito ay nakatutulong na mapaginhawa ang sakit ng lalamunan pati ang ubo.
6. Gumamit ng nasal spray—Ang saline spray sa ilong ay epektibo, ligtas gamitin at hindi nakaiirita. Puwede ring gamitin sa bata, para guminhawa ang baradong ilong.
7. Uminom ng Vitamin C tablet—Posible na magkaroon ng epekto ang pag-inom ng vitamin C na mabawasan ang tagal ng sintomas ng iyong sipon.
Kadalasan ang sipon ay tumatagal lamang ng isa hanggang dalawang linggo. Kapag ang sintomas ng sipon ay lumala, kumunsulta sa doktor.
- Latest