^

PSN Opinyon

Sampung dahilan nang masakit na pag-ihi  

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

1. UTI—Ang urinary tract infection (UTI) ay ang pagdami ng bacteria sa kidneys o pantog. Ang sintomas ay masakit at madalas na pag-ihi, malabo at maamoy na ihi. Kung malala ang UTI puwedeng magkalagnat at sumakit ang likod. Magpa-urinalysis. Ang gamot sa UTI ay antibiotics.

2. Cystitis—Impeksyon sa pantog tulad ng UTI. Ang sintomas ay masakit sa puson o sa may pwerta o ari. Masakit at madalas ang pag-ihi pero konti-konti lang ang labas ng ihi.

3. Kidney stones o bato sa bato—Ang kidney stones ay kadalasan gawa sa calcium o uric acid. Sobrang sakit sa may singit. Parang madudumi ang sakit pero hindi naman dudumi. Mahapdi rin sa pag-ihi. Minsan, kulay pink ang ihi dahil may dugo na sa ihi. Kumunsulta sa urologist. Uminom ng 10 hanggang 12 basong tubig bawat araw.

4. Yeast infection sa puwerta o vaginitis—May discharge sa puwerta na maamoy. Makati ang puwerta at may iritasyon sa balat. Puwede rin sumakit sa pag-ihi. Ang gamutan ay vaginal suppository na reseta ng OB-Gyne.

5. Aktibidad tulad ng bisikleta, na-trauma at bagong panganak.

6. Impeksyon sa prostate o prostatitis sa lalaki—Ang sexually transmited diseases (STD) ay isang dahilan ng prostatitis. Ang impeksyon ay galing sa bacteria. Ang sintomas ay masakit at hirap umihi, makirot sa pantog at ari, at madalas na pag-ihi lalo na sa gabi. Puwede rin mahirapan mag-ejaculate o labasan ang lalaki. Ang gamutan ay antibiotics na reseta ng urologist.

7. Ovarian cyst—Ang sintomas ay sobrang sakit ng puson lalo na ‘pag may regla. May abnormal na pagdurugo rin. Kumunsulta sa OB-Gyne.

8. Kung may allergy sa sabon, wipes, lotion at pang-hugas—Masakit sa balat sa may puwerta na may kasamang pamumula. Makati, may iritasyon sa maselang bahagi. Gumamit ng mild soap lamang.

9. Kanser sa pantog—Ang sintomas ay pamamayat, masakit ang likod at buto, manas at madalas at hirap umihi. Minsan may dugo sa ihi.

10. Ang mga sanggol ay umiiyak din kapag mahapdi ang pag-ihi nila.

Mga mahahalagang payo at tips:

1. Magpa-urinalysis. Mura lang ito.

2. Tingnan ang kulay ng ihi. Dapat malinaw at light yellow ito.

3. Maligo palagi at maging malinis sa katawan.

4. Iwas sa pagkakaroon nang maraming partners at STD.

5. Uminom ng 8-12 basong tubig bawat araw.

6. Mag-ehersisyo ng regular.

7. Huwag magmadali sa pag-ihi. Relax lang ang posisyon.

8. Umihi muna bago matulog.

9. Sa mga bata, paalalahanan sila na pumunta sa banyo at umihi.

* * *

Pakwan: Mahusay sa may impeksiyon sa ihi

Maraming benepisyo ang pakwan sa ating kalusugan. Heto lang ang ilang mga sakit na matutulungan nito: sakit sa puso, altapresyon, kanser, katarata sa mata, ulcer, singaw, bad breath, constipated at mahina sa sex.

Bukod dito, marami pang ibang benepisyo ang pakwan:

1. Mabuti sa kidneys at pantog—Katulad ng buko juice, nililinis ng pakwan ang ating kidneys at pantog. Kung ikaw ay may impeksyon sa ihi, kumain ng pakwan at uminom ng tubig para mabawasan ang mikrobyo. At kung ikaw ay may bato sa bato (kidney stones), makatutulong din ang pakwan sa pagtanggal ng bato.

2. May tulong sa gout at mataas na uric acid—Ang katas ng pakwan ay makapagpapababa ng uric acid sa ating katawan. Sa mga may arthritis dahil sa uric acid (gout), kumain ng pakwan. Paalala lamang na huwag kainin ang buto ng pakwan.

3. Mabisang energy drink—Ang pakwan ay sagana sa vitamin B, potassium at iron. Dahil dito, nagbibigay ng lakas ang pakwan. May natural na asukal din ang pakwan na nagpapasigla ng ating katawan.

4. Makaiiwas sa heat stroke—Kapag napakainit ang panahon, puwede tayong mahilo at manghina ang katawan. Ang pakwan ay nagbibigay ng masustansyang katas na nagpapalamig sa ating katawan.

5. Sakit ng ulo—Sa South Africa, tinatapal ang balat ng pakwan sa ulo at sentido para matanggal ang sakit ng ulo.

6. First-aid sa bungang araw—Kumuha ng balat ng pakwan. Palamigin ang pakwan (pagkatapos kainin) sa refrigerator. Ipahid ang loob ng pakwan (pulp area) sa parte na may bungang araw. Maginhawa ito sa balat at nakababawas ng rashes.

7. First-aid sa sunburn at pagkapaso—Kapag napaso ang iyong balat, maganda itong lagyan ng ice o ilubog sa malamig na tubig. Puwede ring lagyan ng laman ng pakwan ang parteng napaso.

8. Pampaputi—Alam ba ninyo na may glutathione din ang pakwan? Oo, at ang glutathione nito ay mas marami pa kaysa sa ibang mga prutas at gulay. Ang glutathione ay maaaring makaputi ng balat at nagpapalakas pa ito ng ating immune system.

Napakahaba talaga ang listahan ng benepisyo ng pakwan. Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? Kumain na ng pakwan.

vuukle comment

URINE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with