E-sabong sa Central Visayas, wasak na?
NAGSIMULA na ang Philippine National Police (PNP) na wasakin ang e-sabong operations sa bansa at sa katunayan 283 katao ang inaresto ng kapulisan sa Central Visayas. Kaya lang ang mga mananaya ang nasampolan sa ginawang 6-day operations ng mga tauhan ni PRO7 director Brig. Gen. Roderick Agustus Alba at ang mga e-sabong operators ay naiwang nakatawa. Bakit? Kasi nga kahit sangkaterba pang mananaya ang mahuli ng pulisya, hindi naman mahinto ang e-sabong kung patuloy na nag-o-operate ang mga camera sa loob ng sabungan.
Paulit-ulit kong ipinaliliwanag na itong camera ang gamit ng mga e-sabong operators para ikalat ang live-streaming ng mga sultada sa ruweda para tayaan ng mga adik sa sabong. Kaya dapat, hindi ang mga mananaya ang huhulihin ng PNP kung gusto nilang mahinto ang e-sabong kundi kumpiskahin ang mga camera. Dipugaaaaa! Hehehe! Mahirap bang intindihin ‘yan? Eh di wow!
Ayon kay Alba, nagsagawa sila ng 109 operations kontra e-sabong at naaktuhan nila ang 283 katao na tumataya sa naturang sugal. Ang mga inaresto ay 276 mananaya, tatlong teller, dalawang referee at dalawang operator. Nakumpiska ang walong computer sets, 52 celfones, walong iba pang gamit para tumaya sa e-sabong at P155,779 bet money. Umabot sa 109 na kaso ang isinampa ng mga tauhan ni Gen. Alba sa korte. Dipugaaaaa!
Dapat premyuhan itong si Gen. Alba kasi s’ya ang kauna-unahang police director na tumalima sa kautusan ng Camp Crame na walisin ang e-sabong. Kaya lang, walang ni isang camera na nakumpiska itong mga tauhan ni Gen. Alba kaya’t malakas ang paniniwala ng mga kosa ko na pag-alis ng raiders abayyyyy tuloy pa rin ang e-sabong sa Central Visayas. Ano pa nga ba? Dipugaaaaa! Hindi rin binanggit ni Alba kung sino ang nag-ooperate ng e-sabong sa Central Visayas na dati’y pugad ng bigtime gambling lord na si Bong Pineda. Subalit iginiit ng kosa ko na bumitaw na si Pineda sa Central Visayas nitong Dec. 6. Eh di wow! Mismooooo!
Itong e-sabong ay iniutos ni Tatay Digong na isara matapos lumutang ang kaso ng 34 missing sabungeros na dinukot sa mga sabungan na pag-aari ng gambling lord na si Charlie “Atong” Ang. Nangako si CIDG director Maj. Gen. Ronald Lee na hindi niya lulubayan ang imbestigasyon ng kaso hanggang makamtan ng mga biktima ang hustisya. Kung nakayanan ni Alba na wasakin ang e-sabong operations sa lugar niya, bakit tahimik naman ang iba pang RDs? Magandang tanong ‘yan ah. Kung seryoso talaga ang PNP na ipatigil talaga ang e-sabong, dapat ang main target nila ay ang mga camera. Dipugaaaaa! Hehehe! Para na akong sirang plaka ah. Abangan!
- Latest