Police brutality sa Piddig, Ilocos Norte
Inireklamo ni Sean Lorenzo, 16, ng pagmamaltrato si Lt. Rudy James Jacalne, hepe ng Piddig municipal police, Ilocos Norte at si Chief Master Sergeant Frederick Bulosan, intelligence chief ng nasabi ring police station.
Ayon kay Lorenzo, anak ng barangay captain, nakaranas siya ng pagmamaltrato sa kamay ni Jacalne at Bulosan.
Ayon kay Lorenzo, kinulata siya ng riple ng ilang beses ni Jacalne at pinalo pa ng yantok ang kanyang mga palad at kamay. Nang dalhin daw siya sa presinto ng Piddig, pinagsasampal naman ni Bulosan. Ang pananakit umano ni Jacalne at Bulosan nasaksihan nang maraming tao.
Nang puntahan daw si Lorenzo ng kanyang ina at kinausap sina Jacalne at Bulosan, ayaw itong pauwiin. Hanggang ang tatay na barangay captain ang nakausap ng mga pulis.
Sabi naman ni Jacalne, lasing si Lorenzo at nanggugulo. Sabi pa nito, “sakit ng ulo” ng lipunan si Lorenzo. Patung-patong din diumano ang police record nito.
Hindi dapat ganito ka-brutal ang ginawa ni Jacalne at Bulosan kay Lorenzo. Sinentensiyahan agad nila ang menor de edad.
Ang nangyari kay Lorenzo ay nagpapaalala sa malupit na martial law na naging kasangkapan ang mga sundalo at pulis. Pero matagal nang lumipas ang batas militar. Bakit binubuhay ngayon sa Piddig ang masamang alaala ng martial law?
Sabi ni Ilocos Norte police chief Col. Julius Suriben, iimbestigahang mabuti ang ginawa nina Jacalne at Bulosan. Pinayuhan niya si Lorenzo na maghain nang pormal na reklamo sa dalawang pulis. Hindi umano niya kukunsintihin ang mga ginagawang mali ng mga pulis sa Ilocos Norte.
***
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest