Bangungot, dulot ni Paeng sa Capiz
HANGGANG ngayon, ramdam pa ng mga magsasaka at mangingisda ang lupit ni Bagyong Paeng sa Capiz. Maraming palayan at palaisdaan ang lumubog. Kaya humihingi ng tulong ang mga Capizeño kay President Ferdinand Marcos Jr. upang maibangon ang kanilang kabuhayan. Idineklara na ang Capiz na nasa state of calamity sa loob ng anim buwan. Hinihiling ng mga magsasaka at mangingisda na tulungan sila na mabigyan ng ayudang pinansiyal upang muling makabili ng punla ng palay, mais at gulay, pestisidyo at fertilizer.
Sa panig naman ng magpupunong (fishpond) ang dinaraing nila ay ang kakulangan ng fingerlings ng bangus, sugpo at alimango. Nakawala ang mga alaga nilang isda, sugpo at alimango nang umapaw ang fishpond. Nais din nilang magkaroon ng spill ways ang tubig baha na nagmula sa mga bayan-bayan ng Cuartero, Dao, Dumalag, Dumarao, Ivisan at Jamindan na rumagasa sa Agbalo River na nagpalubog sa mga pananim ng Panitan, Panay at Pontevedra. Tuwing magpapakawala ng tubig ang mga dam sa naturang lugar lubog agad ang mga bayan ng Panita, Panay at Ponteverda. Kailangan ang tulong ng national government upang maisagawa ang spill ways. Wake up call ito kay Capiz governor Fredeneil “Oto” Castro.
Noong panahon ni dating President Ferdinand Marcos Sr, ang Panay ang second rice granary of the Philippines dahil napakalawak ng palayan dito. Subalit ngayon, kalahati ng lupang sakahan ay ginawa ng subdibisyon ng mga gahamang land developer. Kumonti na ang produksiyon ng palay at sugarcane. Umaasa na lamang ang karamihan sa mga Capiznon sa pag-aalaga ng bangus, sugpo at alimango. Itinuturing ngayon na ang Capiz ang seafood capital of the Philippines. Dito nakukuha ang mga matataba at masusustansiyang seafoods. Kung maisaayos ang spill ways sa ilang lugar at mai-divert ang ibang tubig patungo sa dagat, mababawasan ang pag-apaw ng Agbalo River.
May mga plano na rito si Governor Castro subalit maisakatuparan ito nang mabilis kung mismong si Marcos Jr. ang mag-uutos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Department of Budgets and Development (DBM) at maging ang mga local governments units (LGUs) upang mapabilis ang konstruksiyon ng spill ways na pinapanukala ni Castro.
Samantala, dapat imbestigahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang illegal structures ng mga tusong landlords sa Agbalo River. Ayon sa mga residente nagkaka-landslide na ang ilang bahagi ng mga lupain at gilid ng Agbalo River dahil sa structures. Panawagan naman ng Bgy. Jamul-awon, na magkaroon ng dredging sa nasabing ilog upang ang tubig na galing dito ay diretso sa karagatan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit umapaw ang mga fish pond. Abangan!
- Latest