^

PSN Opinyon

Digital transformation: Ang papel ng social media sa makabagong edukasyon

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Digital transformation: Ang papel ng social media sa makabagong edukasyon
Artist rendition of social media.
Image by Gerd Altmann from Pixabay

Sa pag-ikot ng mundo, kasabay nating nagbabago ang anyo ng komunikasyon. Kung dati’y nagsimula ang sinaunang tao sa cave drawings at simbolo, ngayon, napakaraming mga wika at alpabeto ang pinagyaman gamit ang iba’t ibang mga kultura sa nagdaang panahon. 

Sa mga ganitong sistema ng pananalita’t pagsusulat nag-ugat ang media na ginagamit natin para makipag-ugnayan sa isa’t isa. Nakagawian na nating hatiin ang media sa dalawang uri: traditional at new media.

Pero dahil nga patuloy na nag-iiba ng anyo ang komunikasyon, nag-iiba rin ang anyo ng media. Kapag dumating ang panahon na nakasanayan na yung dating bago, nagiging tradisyonal na ito. Halimbawa, pinabilis ng movable-type printing press ni Gutenberg ang paraan ng pag-imprenta ng mga libro noong 1440s. Pero ngayon, tradisyonal na ang turing sa paglilimbag. Ganoon din ang radyo at telebisyon na parehong itinuring na mga kakaiba o groundbreaking na imbensyon noon, pero ngayon ay ordinaryo na lamang.

Dahil tila ba pinaiiksi ng internet ang distansya natin sa isa’t isa kahit saang panig man tayo ng daigdig, sinasabing naging isang global village na ang mundo. Kaya naman ang digital media, partikular na ang social media, ang kasalukuyang pinakabagong anyo ng new media.

Traditional at new media

Nakagawian na nating tawagin ang traditional media bilang tri-media dahil kadalasan, binubuo ito ng tatlong media: print publications (broadsheets, tabloids, magazines), radyo, at telebisyon. 

Mas pinagkakatiwalaan ang impormasyong galing sa traditional media dahil hindi basta-basta ang paggawa ng content o nilalaman nito. Bakit? Kasi pawang mga kwalipikadong propesyonal na nag-aral at dumaan sa masusing training ang pwedeng gumawa ng content. Meron ding sinusunod na patakaran at proseso ang traditional media — kabilang na ang pagkakaroon ng editor at fact-checking — para siguradong tama ang lahat ng impormasyon.  Bukod pa rito, may regulatory bodies na sumisigurong sumusunod ang traditional media practitioners sa mahigpit na ethical, professional, at moral codes.
 
Sa kabilang banda, sinasabing mas convenient ang digital media kaysa sa tradisyonal. Kadalasan kasi, libre ang content nito at madaling ma-access basta’t internet-ready ang gadget mo. Dahil may teknolohiya na para mag-live streaming, mas mabilis na ang pagkalat ng impormasyon. Dahil pwede ring magbigay ng komento sa new media kahit kalian natin gusto, mas nakakahikayat ito ng mas pangmatagalang diskurso.

Pero di tulad ng traditional media, walang kasiguruhang makatotohanan at de kalidad ang content ng digital media. Bakit? Kasi hindi kailangan ng degree o training para makagawa ng content para rito. Basta’t may smart phone ka, pwede na. Hindi rin kailangang dumaan sa panunuri ng mga editor ang mga datos at storya. Kaya naman maaaring puno ng grammatical errors at maling impormasyon ang digital content. Kaya naman madalas kumalat sa internet ang fake news at mga maling impormasyon.

Traditional o digital media man, ang nasa sentro pa rin ng mga ito ay ang magagandang mga kwento at ang galling sa pagkukuwento – o storytelling -- lalo na sa konteksto ng branding at marketing communications. Kung magaling kang magkuwento at maganda yung mismong istorya, uudyukin nito ang publiko na magbigay, hindi lang ng reaksyon, kundi pati kaukulang pagtugon at pagkilos.

Mga kuwentong may kuwenta

May angking kapangyarihan ang magandang kwento. Kaya nitong gisingin ang imahinasyon at kaya nitong buhayin ang kagustuhang matuto.   

Sabi ni Atty. Lily C. Macabangun-Milla, Interim Deputy Executive Director and Director for International Affairs ng CHED, napakaraming ganitong mga istoryang puwedeng ikwento ng ating mga higher education institutions (HEIs). Kaya lang, hindi raw nakasanayan ng mga unibersidad ang pag-promote ng mga tagumpay o success stories nila para maipagmalaki ang galing ng Philippine higher education (HE) sa buong mundo.  Naniniwala si Atty. Lily na kayang-kaya ng ating mga SUC na makipagsabayan sa ibang bansa dahil marami silang kakayahan na pwedeng ipagmalaki. Kaya lang, kaunti lang ang may alam nito maging mismo sa Pilipinas. 

Dagdag naman ni Dr. J Prospero “Popoy” E. De Vera III, Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED), mandato ng CHED na isulong ang ating state colleges at universities (SUCs) bilang mga destinasyon para sa mga dayuhan.  Sabi niya, “sa pag-promote ng SUCs ng kanilang husay at tagumpay, hindi lang sila makakaakit ng foreign students. Mas makakakita rin sila ng partner HEIs sa Pilipinas at sa ibang bansa na mas magpapalalim at magpapalawak ng kaalaman nila”.  Kailangan lang daw mabigyan ang ating mga SUC ng plataporma para maibahagi ang galing nila. Pero hindi para magyabang kundi para may matuto rin mula sa kanilang karanasan at mas marami pa ang matulungan.

Tungo sa digital transformation

May mahigit na 2,000 pribado at pampublikong HEIs sa Pilipinas.  Payo ni Atty. Lily, kailangang iarangkada nila ang kanilang digital transformation para hindi sila mapag-iwanan.

Ang digital transformation ang paggamit ng digital technology para baguhin ng isang negosyo ang kanyang mga proseso, kultura at paraan ng pakikitungo sa customer upang makasabay sa papalit-palit na anyo ng makabagong merkado.

Sa kanilang digital transformation, kailangan ding maiangkop ng mga HEI ang curriculum, vision, mission, at pati mga istilo ng pagtuturo. Sa ganoong paraan, mas mapapakinabangan nila ang mga oportunidad na hatid ng new media sa makabagong panahon.

Henerasyon ng netizens

Ayon sa pamunuan ng CHED, dapat akapin ng ating mga HEI ang digital landscape.  Bakit? Dahil dito nakababad ang mga tao.  Ayon sa datos ng Digital 2022 Global Overview Report, mula sa grupong “We Are Social” at “Hootsuite,” mas pinabilis ng pandemya ang pagdami ng netizens sa mundo. Sila ang mga international cyber citizens na tipikal na naka-online ng pitong (7) oras o katumbas ng 44% ng oras na gising sila kada araw.. 

Pero di hamak namang mas mataas pa rito ang tagal ng pagbababad ng mga Pinoy online. Ayon sa report, 10 hours at 27 minuto kada araw ang mga Pilipino na konektado sa internet. Katumbas yun ng higit sa 65% ng panahong gising tayo sa bawat araw.

Digital natives: Sino at saan sila

Isa ang Pilipinas sa mga bansang bata ang populasyon. Ang median age natin ay 26.3 taong gulang at halos 60% ng mga Pilipino ay matatawag na digital native. Sila yung mga ipinanganak sa information age kaya’t komportable sa teknolohiya. Kaya naman para sa kanila, hindi lamang aparato ang cell phone kundi tila ba karugtong na ito ng kanilang katawan. Di kataka-takang mas maraming mobile connections (157M) kaysa sa  bilang ng mga tao (111M) sa Pilipinas, Samakatuwid, mas maraming Pilipino pala ang mayroong higit sa isang cellphone na aktibong ginagamit.

Saan naglalagi sa internet ang digital natives? Sa social media, ayon sa Digital 2022 Report. Noong January 2022, may 92.05 million social media users dito sa atin. At bagamat dumami ang gumagamit ng TikTok, Instagram at iba pang plataporma, Facebook pa rin ang pangunahing social media site para sa mga Pinoy. Katunayan, 84M sa atin ang nasa Facebook.

Ang kapangyarihan ng digital media

Dahl sa mga datos na nabanggit, napapanahon na talagang palakasin ng ating mga HEI ang kanilang online presence. Sa gayon, mas maaabot nila ang mga dayuhang maaaring maging interesadong mag-aral sa Pilipinas. Magkakaroon din sila ng mas malalim na ugnayan sa kanilang lokal na komunidad at maging sa mga ibang dako ng mundo.

May website at opisyal na social media account na naman ang karamihan ng mga HEI. Gayunpaman, hindi nama-maximize ang paggamit sa mga ito. Kapag nagamit sa ito sa tamang paraan, pwedeng maging daan ang website at social media para makapag-pakitang-gilas ang mga HEI sa pagpromote ng kanilang husay at mga tagumpay.

Sa katunayan, ginagamit na ng mga unibersidad dito at abroad ang mga website nila bilang searchable na repositoryo o library ng impormasyon, at bilang pang-recruit ng mga mag-aaral. Pero hindi lahat ng mga website ay madaling gamitin. Kulang ang mga ito sa pagiging interactive.

Yun naman ang lakas ng social media: ang kakayahang maabot at aktibong makipag-usap sa iba’t ibang sektor. Kung mapapaunlad ang mga website at social media presence ng mga HEI, mapagsasanib nila ang lakas ng mga ito para sa isang diskurso sa pagitan ng kanilang mga mag-aaral, potensyal na enrollees, mga magulang, faculty, alumni, partner na institusyon, lokal na komunidad, at ang madla.

Nine of the 66 categories that make up the University of Michigan’s social media directory

Mas mabuti rin kung may opisyal na directory ang lahat ng social media accounts ng isang HEI. Gaya na lang ng University of Michigan na mayroong mahigit na 1,200 social media accounts na naka-organisa sa 66 na mga kategorya, mula academics at athletics hanggang sa mga bagay na konektado sa kultura ng komunidad.

Naniniwala sina Chair Popoy at Atty. Lily na bagamat matrabaho at tila mahirap gawin, kayang-kaya ng ating mga SUC na hindi lang magparamdam kundi makipagtagisan ng galing sa social media. Dahil iyon sa kanilang likas na kakayahan na mag-research at makagawa ng promotional at educational materials na naka-angkla sa datos at akmang karanasan. Sa pamamagitan ng paggawa at pagpapakalat ng magandang content, mas makaka-enganyo sila ng mga turista’t mag-aaral sa kani-kanilang mga lokalidad. 

Kaya naman hinahamon ng CHED ang mga HEI na kumawala sa kanilang comfort zones at akapin ang kanilang digital transformation, kasama na rito paggawa ng content sa social media tungkol sa kanilang mga proyekto, best practices, at maging tungkol sa mga mag-aaral, faculty, at alumni.

Kaya walang dahilan para mag-atubili pa ang mga HEI. Bukod sa may taglay itong galing na maipagyayabang, nasa mga daliri na nila ang kapangyarihan ng digital media. Sabi nga ng mga kabataan, kailangan na lang ng konting ‘galaw-galaw’.

 

--

Watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected].

vuukle comment

EDUKASYON

SOCIAL MEDIA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with