Walang areglo, deretso kalaboso
PUMUNTA sa tanggapan ng BITAG ang dalawang suspek sa pambubugbog sa isang menor-de-edad sa Pasig City.
Sentro ng atensyon ng BITAG ang pagtulong sa pamilya ni Alyas “Ken”, ito’y matapos mabugbog ang 14-anyos na bata dahil napagbintangang nagnakaw ng gasolina.
Isang linggo mahigit sa ospital ang bata dahil sa brain hemorrhage dulot ng pambubugbog na nangyari.
Ang dalawang sangkot sa pambubugbog ay mag-tiyo pala, isang naturingan na Homeowners’ Association President na kilala sa pangalang President Jun at ang kanyang pamangkin na si “Doi”.
Kung ‘di pa nagpa-BITAG ang pamilya ng biktima, hindi pa lulutang at manghihingi ng kapatawaran ang dalawang kumag na ito.
Literal na kumulo ang dugo ko nang makita ko ang mag-tiyo sa aking tanggapan upang magpaliwanag.
Ang pamangking si “Doi”, sa laki ng katawan, bata ang nakuhang pagdiskitahan. Dahil daw sa kanyang kalasingan ay na-upper cut niya ang biktima at ilan pang suntok sa ulo’t sikmura.
Sinong hindi manggagalaiti sa galit, pinagbintangan lamang ang binatilyo na nagnakaw ng gasolina.
Hindi naman ito nahuli sa akto’t basta dinampot ng HOA President at pinagsasapak naman ng kanyang pamangkin.
Nilagay ang batas sa kanilang kamay. Walang sapat na ebidensya at binase lang ang galit sa hinala.
Walang sinuman ang may karapatang mangbugbog sa mga menor-de-edad, ‘yan ang katotohanan na dapat alam ng publiko.
Hindi ko napigilan ang aking galit, namura ko sa ere ang dalawa at muntik ko na ring patayan ng camera.
Gusto ko mang ipatikim ang pambubugbog na ginawa nila kay Alyas Ken, alam kong kailangan nilang managot sa batas at hindi sa kamay ng BITAG. Isang alaala ng pagsampol ang iniwan ko sa dalawa.
Kung anong siga ng dalawa sa video habang binubugbog ang bata, siya namang amo ng mga ito nang kaharap na ang BITAG.
Umiiyak pa ito na humingi ng tawad at nagmamakaawang huwag nang ituloy ang asunto.
Hindi naman napigilan ng nanay ng biktima na maging emosyonal nang makaharap ang dalawa, huwag na daw subukin ng dalawa na makipag-areglo dahil walang kapantay na halaga ang dinanas ng kanyang anak.
Katuwang ng BITAG ang ACT-CIS Partylist sa isyu na ito, sila ang magsisilbing boses ng mga biktima ng pang-aapi sa kongreso, sisilipin at rerebisahin ang mga butas ng batas.
Babantayan ng BITAG at ng ACT-CIS ang kasong ito, sisiguraduhin na mananagot ang dapat managot.
Sabi ko nga, sa mga tulad nito, walang are-areglo! Diretso kalaboso!
- Latest