Solusyon sa almoranas; Alipunga sa kuko
Marami ang may almoranas (hemorrhoids). Pagdating ng edad 50, mga 50% ng tao ay may almoranas na.
Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa katagalang pag-iire, puwede itong lumalabas, maipit at dumugo.
Ang sintomas ng almoranas ay ang masakit na pakiramdam habang dumudumi. Parang may humihiwa o napupunit sa puwit. Minsan, may dugo sa dumi o sa puwitan. May pagkakataon na makakapa rin ang almoranas sa puwitan.
Ang sanhi ng almoranas ay ang pagtitibi o pagiging constipated. Kailangan natin mapalambot at mapadali ang pagdumi.
Pagkaing mataas sa fiber (high-fiber foods):
Ang pinaka-solusyon dito ay damihan ang pagkain ng pagkaing mataas sa fiber. Kailangan natin kumain ng limang tasa ng pagkaing mataas sa fiber tulad ng gulay, patola, okra, kangkong, prutas, brown rice, wheat bread, mani at iba pa.
Kapag maraming fiber tayong kinain, mas magiging malaman (may bulk) ang iyong dumi at madali itong mailabas. Minsan, isang irihan lang at lalabas na ang dumi. Dahil dito, mas hindi masusugat ang iyong almoranas o puwit.
Uminom din ng 8-12 basong tubig. Kailangan mo nang maraming tubig para hindi tumigas ang iyong dumi.
Huwag umasa sa gamot na pampadumi dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.
Isa pang tip: Huwag pigilin o ipitin ang paglabas ng dumi. Kapag pinipigil natin ang paglabas (tinitigas ang masel ng puwit) lalong kikipot ang lalabasan ng dumi at masusugatan lalo ang almoranas.
Ikalma ang sarili at subukang ilabas ang dumi ng isang pag-iri lang.
Magpatingin sa doktor (surgeon) para masiguro na almoranas ang problema.
* * *
Alipunga sa kuko (nail fungal infection)
Ang alipunga ay fungal infection na nangyayari kadalasan sa daliri sa paa dahil nakakulong ang paa sa madilim, mainit at mamasa-masang paligid ng sapatos.
Ito ay nagsisimula sa maliliit na puti o dilaw na spot sa kuko ng paa. Depende sa uri ng fungus, ang iyong kuko ay maaaring mag-iba ang kulay, kumapal, maging malutong. Ang ibabaw ng kuko ay nawawala ang kintab.
Ang alipunga ay dumarami dahil sa matinding pagpapawis, pagtatrabaho sa basang paligid, pagsuot ng sapatos ng matagal at kung may diabetes.
Para maiwasan ang alipunga:
1. Iwasan na sobra ang haba o ikli ng kuko. Gupitin ang kuko ng diretso.
2. Panatilihin ang paa na laging malinis at tuyo. Tuyuin ang paa at pagitan ng mga daliri, pagtapos maligo.
3. Palitan ng madalas ang medyas, lalo na kung ang paa ay sobrang magpawis.
4. Hubarin paminsan-minsan ang sapatos tuwing umaga o pagtapos mag-ehersisyo.
5. Gumamit ng mga anti-fungal spray o powder sa iyong sapatos.
6. Huwag gupitin ang balat sa paligid ng kuko.
7. Iwasang maglakad ng nakapaa sa maruming pampublikong lugar gaya ng swimming pool, shower at locker rooms.
Maaaring subukan ang pagbabad sa suka:
Wala pang matibay na ebidensya pero ayon sa ilang pag-aaral, makapipigil ng pagdami ng mikrobyo ang suka.
Ibabad ang mga paa ng 15 minutos sa pinaghalong 1 bahagi ng suka at 2 bahagi ng maligamgam na tubig. Kung ang balat ay mairita subukan ibabad ng dalawa hanggang tatlong beses bawat linggo o dagdagan ang dami ng tubig na ihahalo.
Kapag hindi pa umigi ang kondisyon ng iyong kuko, kumunsulta sa doktor.
- Latest