EDITORYAL - Pagbasura sa party-list system
NOONG nakaraang buwan, ipinahayag ng karamihan sa party-list representatives na pabor silang amyendahan ang party-list system upang maiwasan ang pang-aabuso ng ilang sektor. Ayon sa representatives, pawang kapakinabangan para sa kanilang sarili ang inaatupag ng mga grupo. Kung maaamyendahan umano ang party-list system, maiiwasan ang pang-aabuso.
Pero hindi amyenda ang gusto ni President Duterte sa party-list, kundi ibasura na itong tuluyan. Noon pa, binabatikos na ni Duterte ang party-list system na aniya’y nagmamalabis. Noong Miyerkules, nang magsalita sa telebisyon, tahasang sinabi ni Duterte na dapat nang i-scrap ang party-list system. Hiniling niya sa susunod na administrasyon ang pagbuwag sa party-list system. Hindi lamang ang pagmamalabis sa party-list ang sinabing dahilan ni Duterte kaya gusto niya itong mabuwag kundi ginagamit ito ng leftists para sirain ang pamahalaan.
Kapag sinabi ni Duterte, nangyayari. At malaki ang posibilidad na mabuwag na ang party-list sa administrasyon ni incoming president Bongbong Marcos Jr. Sa dami ng kaalyado sa House of Representatives at maging sa senado, posibleng ma-scrap na ang party-list.
May katotohanan naman na inaabuso na ang party-list system at kaduda-duda ang nirerepresenta sa kongreso. Layunin ng party-list system na magkaroon ng kinatawan ang mga maliliit sa lipunan pero sa kasalukuyan, pansariling interes ang kanilang hangad. Sa nakaraang election noong Lunes, 70 percent ng party-list groups na pinayagang makasali ay identified sa political clans at mga malalaking negosyo na wala namang malinaw na adbokasiya at nirerepresenta.
Nakapanlulumo naman ang inihayag sa election watchdog Kontra Daya, na 44 na party-list groups ang kontrolado ng political clans, 21 ang may koneksiyon sa malalaking negosyo samantalang 34 ang walang malinaw na adbokasiya at representasyon. Mayroon ding 32 party-list groups na may koneksiyon sa pamahalaan at military, samantalang 26 ang may incumbent officials na tumatakbong party-list nominees. At ang malupit, 19 na party-list groups ang may pending na court cases.
Nararapat na ngang ibasura ang party-list system sapagkat ginagamit lamang ito ng mga sakim sa kapangyarihan. Hindi na makita ang tunay na layunin kaya ito nilikha. Buwagin na ang party-list system.
- Latest