Now na!
Yes, this is the day. Isang crucial na araw upang magpasya ang taumbayan kung sino ang iluluklok para pamunuan ang ating bansang napakaraming kinahaharap na problema lalo na sa ekonomiya. Ang nangungunang dahilan ay ang pagnanakaw ng mga tiwaling opisyal na tayo ang nagluklok.
Nawa, ang maibobotong mga opisyal, mula sa Presidente ng bansa pababa ay bunga ng matalino nating pagsusuri sa karakter at kakayahan ng mga kandidato. Sana ay hindi tayo magpahikayat sa mga mapanlinlang na propaganda kundi bumoto tayo nang naaayon sa results ng ating sariling pagsusuri sa bawat kandidato, lalo na sa pagka-Presidente ng bansa.
Bawat kandidato ay may mga masamang alegasyon na ikinakapit. Subalit harinawang bago tayo humusga sa mga kandidato ay magkaroon tayo ng talino kung sino ang nahaharap sa mga tunay na asunto at hindi lamang sinisiraan ng kalaban sa politika.
Saliksikin natin ang mga record sa Korte kung kinakailangan para malinaw nating makilatis ang background ng mga tumatakbo sa ano mang public office. Hindi na tayo dapat magkamali sa ating mga desisyon.
Kawing-kawing nang mga administrasyon ang naglabas-masok pero hanggang ngayon, tila lalong tumitindi ang mga problemang kinahaharap ng bansa. Ang Isa pang pagkakamali sa pagboto ay maglalagay sa atin sa panibagong anim na taong pagdurusa lalo pa’t ang mga maihahalal ay talamak sa korapsyon kung hindi man kumakandili sa masama.
Kailangan natin ang leader na malinis na track record at tunay na malasakit para makapaglingkod. Walang bahid-dungis ang reputasyon at tunay na mapagkakatiwalaan. Alalahanin natin na hindi na para sa atin ito kundi para sa ating mga anak at mga supling ng ating mga anak.
- Latest