Meryll Soriano bilang ‘Mama Meme’
Bilang pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa pamamagitan ng ating #WinningWomen series (kasama ang voice actor na si Inka Magnaye, social-entrepreneur na si Anna Meloto-Wilk, at ilan pang nakakabilib na babae), ang sunod nating itinatampok na wonder woman ay ang aktres na si Meryll Soriano.
Nang tumama ang pandemya, nagpasya ang award-winning actress na si Meryll Soriano na pansamantalang huminto muna sa pagtanggap ng mga trabaho sa pag-arte. Tulad ng ibang mga magulang sa masalimuot na panahong ito, sinamantala niya ang pagkakataon para mas tutukan ang pag-aalaga sa kanyang mga anak na sina Eli at Gido. Nagpasya rin siyang magsimulang gumawang muli ng content sa kanyang YouTube channel.
Sinimulan niya ang kanyang content sa YouTube sa pamamagitan ng pag-post ng mga video ng bonding moments kasama ang noon ay onse anyos na si Eli, na tinawag niyang The Curious Two. Pagkatapos ng dalawang taon na walang bagong video, nagsimulang mag-post ulit si Meryll ng videos kung saan ang content niya’y tinawag niyang ‘Dear Mama Meme,’ isang serye ng mga video tungkol sa pamilya, pagiging ina, at pagiging magulang.
“I try my best na yung content ko ay very substantial --- about motherhood, parenting, family … doon talaga ako nag-fofocus. I really try to still have a private life kahit na ang hirap sa digital content creation kasi gusto ng audience buong buhay mo makita,” sabi ni Meryll.
Kuwento ni Meryll, noon pa man, tinatawag na siyang Mama Meme ng mga malalapit sa kanya. Nagsimula ito noong naging bahagi siya ng volleyball varsity team sa paaralan, kung saan nakita ng kanyang teammates ang kanyang likas na pagiging maalaga. Hanggang sa mundo ng pelikula, Mama Meme na rin ang itinawag sa kanya.
“Natural yata sa akin yung nurturing. Kaya Mama Meme din yung tawag sa akin ng mga mas nakababatang co-actors ko, mga P.A., ganun,” sabi ni Meryll.
‘Mama Meme’ bilang hands-on mom
Sa pamamagitan ng ‘Dear Mama Meme,’ napagsasabay ni Meryll ang vlogging, pagiging ina, at pag-arte. Pero ang pagiging hands-on mom ang kanyang prayoridad.
“Kahit naman noon, saglit lang kami kumuha ng yaya. Nag-yaya lang ata ako noon para may taga-laba ng lampin pero ngayon, super hands-on. Kung hands-on ako noon, mas hands-on ako ngayon,” pagbabahagi ni Meryll.
Ang kanyang anak sa aktor na si Bernard Palanca, ang katorse anyos na si Elijah, ay tumutulong din sa kanya sa pag-aalaga sa bunsong kapatid na si Gido, ang 1-year-old na anak ni Meryll sa aktor na si Joem Bascon.
Sa aming kuwentuhan sa Pamilya Talk F&B Live, sinabi niyang magkaiba ang naging pagbubuntis niya sa dalawang anak. “Yung pregnancy ko nung bata ako (24 years old), napakadali ng lahat! Walang complications and all that. Nung pinanganak ko si Gido, nagkaroon ako ng gestational diabetes because of my age (38 years old). Pero ngayon healthier na ako kasi nagwoworkout ako and because I look out for my sugar at sa mga matatamis na pagkain. Mas sexy ako nagbuntis ngayon kaysa noong unang panahon na wala akong ginawa kundi lumafez (kumain) ng maraming mga pagkain at matatamis,” sabi ni Meryll.
Panoorin ang aming kumpletong panayam sa aktres, ina, at content creator na si Meryll Soriano sa F&B Live ng Pamilya Talk.
Bagama't inamin niyang ang pagbubuntis kay Eli ay hindi niya napaghandaan, madali niyang nalampasan ito sa tulong ng kanyang ina. Ang pag-aalaga naman kay Gido sa gitna ng pandemya ang mas naging hamon. Pero marami rin namang tumulong sa kanya, lalo na ang kanyang panganay na si Eli, na isa ring hands-on na kuya.
Pamumuhay nang may Bipolar Disorder
“When I stopped using drugs at that time, that was when I was diagnosed with bipolar disorder,” pag-amin ni Meryll, na ngayon ay 15 taon nang hindi gumagamit ng pinagbabawal na droga. Ibinahagi niyang nahirapan siyang tanggapin ang kanyang diagnosis dahil sa stigma ng pagkakaroon ng bipolar disorder. Biglaan lang nang nalaman niyang siya ay may ganitong kondisyon.
“I left home, I got married, nawala yung family ko, tinalikuran ko sila, and then nawala yung aso ko. Noong nawala yung aso ko, I think that was the trigger na nagblackout ako. Wala akong matandaan. I woke up in the hospital. Luckily nasa household ako na merong mga doctor. I think I was sedated; I just woke up in the hospital,” kuwento niya. Kumunsulta siya sa isang psychiatrist, at matapos niyang aralin ang mga impormasyon ukol sa kanyang kalagayan, natutunan niyang tanggapin ito at nagsimula niyang tulungan ang kanyang sarili.
“It made me really free sa pananaw ko sa sarili ko; sa buhay ko. And I'm really happy to be able to share that to a lot of people and it made me kinder to myself. Hindi ko kasi naiintindihan kung bakit ako ganun. Pero noong inaral ko yung bipolar disorder condition at yung post-partum na pinagdaan ko, saglit lang naman kay Eli, I just had to welcome everything. It's very difficult to do that. It's very difficult to accept that, but with your eagerness to learn more about these things and your eagerness to be open about it and share with other people, it really, really helps,” sabi ni Meryll.
Isa sa mga pinakamagandang natutunan niya ay ang pagiging bukas sa paghingi ng tulong. Ang pagkakaroon ng mental health problems noon ay halos hindi pinag-uusapan dahil sa stigma at diskriminasyon. Ngayong mas mablis nang makuha ang impormasyon dahil sa internet, mas madali na ring turuan ang publiko tungkol sa bipolar disorder at post-partum.
“When I asked for help at nakuha ko naman ito sa aking sober councilor at psychiatrist, sumunod narin yung pamilya at mga kaibigan, then that was the time na naramdaman ko that I have a good support system.”
Payo ni Meryll sa mga may bipolar disorder, maging bukas sa kanilang kondisyon. Maging ang kanyang anak na si Eli, alam ang kanyang sitwasyon. “Naiintindihan niya kapag sinasabi ko na ‘okay, medyo krung krung si mama, so I need some time alone.’ He understands, kasi maaga kong sinabi sa kanya kasi nga kailangan ko ng teammate. Teammate ko yang si Eli sa aking life,” kanyang ibinahagi.
Nagpapasalamat din siya sa kanyang kapatid na babae na isang doktor dahil malaking tulong daw siya kapag na-trigger si Meryll, lalo na kapag puyat.
“Hindi maiiwasan lalo na nung bagong panganak ko pa lang. It has been very difficult but everyone here has been helping me out and understanding me. Nakikita naman kung kailan kailangan ko magpahinga,” sambit ni Meryll.
Sa gitna ng kanyang makulay na buhay na puno ng hamon, patuloy na nagpapasalamat si Meryll sa lahat ng biyayang kanyang natatanggap. “Wala akong masasabi sa aking journey at sa aking buhay. Marami akong natutunan ... I'm just very grateful,” says Meryll.
Ako ngayon ay isa nang tagahanga ni Meryll Soriano. Bumilib ako sa kanya hindi lang dahil sa dami ng kanyang mga napatunayan na bilang isang artista. Mas nakakabilib ang kanyang lakas ng loob at determinasyong bumangong muli tuwing may problemang hinaharap. Kahit mahirap, masigasig siyang nakakapag-adjust sa mga sitwayson alang-alang sa kanyang pamilya. Talagang isa siyang matatag at matapang na babaeng dapat tularan!
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:00-5:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest