Buo ang akala
(Part 1)
Ang kasong ito ay tungkol sa pagbibigay ng danyos bilang kabayaran dahil sa tinamong paghihirap ng kalooban, sakit ng katawan, takot, kahihiyan at iba pang katulad na pinsala na ginawa ng ibang tao alinsunod sa Art. 2217-Civil Code. Ang danyos ay ibinibigay kung (1) may pisikal, mental, o sikolohikal na pinsala, (2) dulot ng pagkakamali sa kilos o kaya ay kakulangan sa ginawa ng iba na napatunayan, (3) na ang kilos o hindi pagkilos ang sanhi ng pinsala at (4) ang ibinigay na bayad sa danyos ay base sa nakatala sa Art. 2219 – Civil Code. Ito ay pinaliwanag sa kaso in Orly.
Si Orly ay kinasal kay Minda sa Quezon City sa Pilipinas. Di nagtagal, kumuha ng diborsyo si Minda sa U.S. Sa pag-aakalang diborsiyado na siya kay Minda ay pinakasalan ni Orly si Linda sa U.S. Pagkatapos ng 17 taon nang ikasal kay Minda at makalipas naman ang 11 taon na pagsasama nila ni Linda ay naghiwalay ang dalawa. Tatlong taon pa ang lumipas ay nakakuha si Orly ng pormal na deklarasyon ng pagpapawalang-bisa ng kasal niya kay Minda.
Nang malaman ni Orly na kumuha si Minda ng diborsiyo sa Amerika habang isang Filipino citizen o isang Pilipino pa siya ay nagsampa rin si Orly ng petisyon sa RTC para naman mapawalang-bisa din ang kanyang pangalawang kasal kay Linda ayon sa Art. 35 (4)-Family Code.
Kinontra ni Linda ang petisyon at iginiit na legal ang kasal nila ayon naman sa Art. 26 – Family Code at hindi raw bawal base sa Art. 35 (4) dahil isa naman siyang US citizen noon. Nagpapalusot lang daw si Orly para makaiwas sa hiwalay na kasong isinampa niya para naman sa paghahati ng kanilang ari-arian.
Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang RTC at pinagbigyan ang petisyon ni Orly na mapawalang-bisa ang kasal nila ni Linda. Pero inutos ng RTC na magbayad si Orly ng P250,000.00 moral damages, P100,000.00 exemplary damages at P150,000.00 attorney’s fees kay Linda. Napatunayan kasi ng RTC na walang kapasidad si Orly na magpakasal noong naganap ang pag-iisang dibdib nila ng babae dahil kasal na ang lalaki kay Minda. Kaya “bigamous” ang kasal nila at walang bisa alinsunod sa Art. 35 (4) ng Family Code. Dapat din daw magbayad si Orly ng danyos kay Linda dahil siya ang may kasalanan at nagpakasal siya ng pangalawang beses samantalang may una siyang kasal na noon ay hindi pa napapawalang-bisa. Ang kasal ay isang sagradong institusyon na hindi dapat sirain sa interes ng lipunan at kapakanan ng publiko. Masama raw ang hangarin ni Orly o samakatuwid ay may “bad faith” sa nangyari kaya tama lang ang pagbayarin siya ng danyos. Pati gastos sa korte ay tama lang na bayaran niya. Hindi naman kukuha ng abogado at gagastos sa kaso ang babae kung hindi dahil sa kanya. (Itutuloy)
- Latest