’Protest art’ sa digital age
Nag-trending kamakailan ang isang cartoon na nagpapakita ng isang “nakatindig” na kamaong pumagitna sa pulutong ng iba pang mga “nakaluhod” na kamao. Kumalat ito sa social media kasabay ang mensaheng maging iba sa mga nagsusunuran lamang. Gawa ito ng artist-activist na si Tarantadong Kalbo, o Kevin Raymundo sa totoong buhay. Dinagdagan niya ito ng customizable cartoon templates na tsaka naman ginamit ng ibang artists at netizens sa kani-kanilang online accounts, sa kanilang pagnanais ding maglabas ng sentimyento laban sa mga nasa kapangyarihan. Pasaring umano ito ni Raymundo sa kasalukuyang administrasyon na nagpatupad ng Anti-Terror Law na layuning gawing lehitimo ang pagsupil sa mga kritiko. Sumakto nga ang pag-viral nito sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigong Duterte, na siyang nagpa-uso ng “fist bump”.
Tinatawag na “protest art” ang mga likhang gaya ng “Tumindig” ni Raymundo. Dahil nga mas madali na ngayon ang mga bagay-bagay sa digital platform, mabilis ding mag-viral ang mga protest art sa social media. Hindi na lang limitado sa retweets, regrams, or pagpapalit ng Facebook profile photo ang online protest art ngayon, lalo pa’t marami sa atin ngayon ay online-savvy na. Hindi ba’t social media capital of the world nga ang Pilipinas kung tawagin?
Tagos naman agad sa puso’t isipan ang mensahe ng “Tumindig” ni Raymundo, lalo na sa mga kumukontra sa pamumuno ni Duterte.
Ngunit ano nga ba ang protest art? At gaano ito kaimportante sa tao? Sa aming “Pamilya Talk” episode, nakapanayam ko ang iba pang mga artist na patuloy na naninindigan at pumupuna sa administrasyon. Sa tulong ng performance artist na si Mae Paner (Juana Change); komedyante, manunulat, at dating Kapamilya na si Alex Calleja; at eksperto sa kasaysayan na si Xiao Chua, napag-alaman pa natin ang halaga ng protest art sa lipunan.
Ang kasaysayan ng protest art
Ginagamit na noon pa man ang protest art. Naalala nyo pa ba ang “Aba Ginoong Barya” ng bayaning si Marcelo H. Del Pilar na sinulat nya laban sa mga Kastila? O ang mga nakakaaliw na impersonations ni Willie Nepomuceno sa diktador na si Ferdinand Marcos? Totoong hindi lang arte ng mga nag-iinarte ang protest art. Bagkus, nakatutulong nga ito sa tuluyang pagkamit natin ng demokrasya. Sa pagpapapansin at pagiging malikhain at matapang nagawang batikusin ng mga nasa ilalim ang mga nasa itaas.
“Satire is a political weapon especially of the weak,” ani Chua, na isang guro ng kasaysayan sa De La Salle University. “Usually ang literature at focus ng media ay sa protest art, kasi nga wala tayo sa kapangyarihan.”
Ngunit sa mga huling administrasyon, tuluyan na ring ginamit ng mga nasa itaas ang parehong istilo para sa kanilang pansariling interes. Propaganda ang tawag dito.
Halimbawa na lang umano ang pagkalat ng Duterte supporters ng isang illustration ni Sara Duterte na akala mo’y Thanos ng Marvel Cinematic Universe. Katulad ng kontrabidang si Thanos, nangangalit ang mukha ng presidential daughter at incumbent Davao City Mayor sa drawing. May mga bakas pa ng dugo habang hawak-hawak ang isang chainsaw. Haka-haka kasi ang pagtakbo ni Sara sa pagkapangulo sa susunod na taon. Gawa ito ng Manila Times cartoonist at Duterte supporter na si Steven Pabalinas. Nilabas ang artwork kasunod ng gawa ni Tarantadong Kalbo.
“(Art) is also appropriated by the powerful,” ani Chua. “Merong ngang dyaryo tayo sa Pilipinas na pro-government. Dun mo makikita yung editorial cartoons nila.”
“Nakikita mo ang political propagranda sa art, nariyan yan sa political campaigns pagka-eleksyon, gaya ng ‘Budots Dance’ (ni Bong Revilla) -- nasa dancing, paano magpista ang Pilipino. Kahit ang SONA kung saan both, the opposition at administration, ay may fashion show at protest fashion. Yan yung nakikita natin na ginagamit ng iba’t-ibang sektor kasi napakamakapangyarihan ang art.”
Halaga ng protest art sa lipunan
Hindi lang dapat sa pag-ipon ng likes at shares ang protest art. Bukod sa salita, dapat ito’y nasa gawa, ika nga ng kasabihan. Sabi nga ni Paner (na kilala na noong panahon pa ni Marcos), dapat gamitin ang art sa pagkakabuklod-buklod ng lipunan sa halip ng pagkakawatak-tawak nito.
“Mahalaga ang galit. Anger has a place. Pero pag iluluwa mo galing sa galit, ang nangyayari, hindi malayo ang nararating niyan kasi galit ka. Kaya ako, I really like to engage in conversations, lalo na pag may respeto,” sabi ni Paner.
“Ang point ko ngayon, I don’t need to win arguments, i would rather win hearts. Lahat ng tao ngayon, gustong manalo sa argumento. Pero pag nanalo ka sa argumento, kaaway mo pa rin yon. Samantala, if you’re discussing and you convince each other na, ‘Okey, yang position mo, ito naman ang position ko,’ pwede naman tayong magpatuloy ng pag-uusap. Nag-bi-bridge ka eh.”
Dapat lalo pa raw pakinggan ng mga artist ang isa’t-isa, dagdag ni Paner.
“May meeting point yan. We are all human and at the same time we are really all connected. Ang mga tao, masyado nilang inaalagaan yung mga pain nila and past nila. Instead, ang iniisip (dapat) nila ay ang kinabukasan. When you’re conversing with the future, dun ka pumipitas ng inspirasyon kung ano ang gusto mong klase ng mundong makita. Dun I think malalagpasan mo ang galit mo. (Kasi kung hindi) hindi tayo makakausad.”
Si Paner mismo ay may sariling community kitchen project, kung saan siya nagpapakain nang libre sa mga maralita.
Sang-ayon naman si Calleja na nagsasabing nasa labas ng internet ang tunay nating sitwasyon. DIto raw tayo dapat magdiskusyon at magtulungan para makahanap ng totoong lunas sa mga sugat ng bayan.
“Get out of social media. Talk to people face to face,” sabi ni Calleja. “Ginagamit (ang social media) dapat sa kabutihan but this is (now) used for something esle. This (should be) a productive medium. It’s nice for you to promote your craft and give people equal opportunity kahit di ka celebrity o star. Pero yung other side ng coin, binigyan din natin yung tao ng power to promote kung ano man ang opinyon nila whether they’re right or wrong.”
Pagsuporta sa protest artists
Walang perpektong lipunan, tanggapin na raw natin yun, sabi ni Chua. Binanggit pa nga niya ang Hegelian dialetic (“Thesis plus antithesis equals synthesis”) na ginagamit ng mga akademiko sa kanilang pag-aaral ng lipunan at kasaysayan.
Kaya naman daw, imbes na manggigil ang mga natamaan ng mga mensahe ng mga art na katulad ng “Tumindig,” dapat tignan na lang nila kung ano ang mga kailangang baguhin sa sistema.
“Walang perfect unity sa isang bansa. Walang ganun. Lahat tayo, may kanya-kanyang pag-iisip. Pangit naman kapag iisa ang pag-iisip natin. Wala nang improvement,” dagdag pa ni Chua. “Ang problema lang yung pagiging toxic. There should be decency in discourse. We can talk as a nation even if we are diverse.”
Sa huli, hiling pa nina Chua, Paner at Calleja, sana mas dumami pa ang mga katulad ni Tarantadong Kalbo na walang kinakatatakutan pagdating sa pagpapahayag ng saloobin nila at ng lipunan. Ito’y lalo na raw ngayong uso ang trolls na layuning magkuyog at magpakalat ng propaganda online.
Sabi ni Paner, “May mga Pinoy artist na mas gustong nilang maging safe, mas gusto nilang matakot at wag kumibo. Kaya yung mga artista na talaga namang tumataya -- they’re really putting themselves out there—dapat naman talagang suportahan. Yun talaga ang kailangan natin sa panahong ito. Tapang na may galing.”
“The more we are out there, the more na nakikita tayo ng tao, mas nakakatulong na maging proteksyon natin yan. Kasi sa totoo lang, mas madaling kunin yung mga tahimik, yung mga papasukin na lang sa bahay. Pero for the likes of us na nakikita nilang laging nasa labas magmula noong mga nakaraang adminstrasyon—Marcos pa lang, ginagawa ko na to, eh! Kayo nga aalis na ulit, eh. Ako nandito lang ako,” sabay tawa pa ni Paner.
---
Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.
- Latest