^

PSN Opinyon

Mga benepisyo ng pakwan at luya

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Panahon ng pakwan ngayon kaya dagsa ang mga masa­sarap na pakwan sa mga palengke. Alam n’yo bang maraming benepisyo sa katawan ang pakwan?

1. Mabuti sa puso at ugat – Ayon sa US Department of Agriculture, ang pakwan ay nagpapataas ng arginine (isang amino acid) sa ating katawan. Ang arginine ay gina­gamit sa paggawa ng nitrous oxide, na nagpaparelaks ng ating mga ugat sa puso at utak. Dahil dito, makatutulong ang pakwan sa pag-iwas sa istrok at atake sa puso. May tulong din sa may high blood.

2. Ayon sa mga eksperto, baka may tulong ang pakwan sa pagpapalakas sa sex. Ito’y dahil sa arginine na nagpapabuka ng ugat din sa ari ng lalaki. Ngunit hindi lang nga kasing bisa ang pakwan kumpara sa mga gamot.

3. Pag-iwas sa kanser – Ang pulang klase na pakwan ay napakasustansya dahil may taglay itong lycopene. Ang lycopene ay tinatayang panlaban sa kanser.

4. Ang pakwan ay matubig at gawa sa 92% alkaline water. Mabuti ang alkaline water sa ating sikmura at safe ito kahit sa may ulcer.

5. Gamot sa singaw at bad breath – Ayon sa mga eks­perto, may tulong ang pakwan sa paggamot ng singaw at pagbawas sa bad breath.

6. Mabuti sa sikmura at pagdumi – Dahil may fiber at tubig ang pakwan, napapabilis nito ang ating pagdumi. Kung ika’y laging tinitibi (constipated), kumain nang maraming pakwan.

7. Mabuti sa kidneys at pantog – Katulad ng buko juice, nililinis ng pakwan ang ating kidneys at pantog. Kung ika’y may impeksyon sa ihi, kumain ng pakwan at uminom ng tubig para mabawasan ang mikrobyo.

8. Mabisang energy drink – Ang pakwan ay sagana sa vitamin B, potassium at iron. Dahil dito, nagbibigay ng lakas ang pakwan. May natural na asukal din ang pakwan na nagpapasigla ng ating katawan.

9. Kapag napakainit ang panahon, puwede tayong mahilo at manghina ang katawan. Ang pakwan ay nagbibigay ng masustansyang katas na nagpapalamig sa ating katawan.

* * *

Benepisyo ng luya

Ang luya ay may tulong para sa masakit, namamaga at pagod na kalamnan. Mabisa itong pain relievers. Sa pag-aaral sa mga pasyenteng may arthritis sa tuhod, ang katas ng purong luya ay nakababawas ng paninigas at sakit ng 40%.

Ang nilagang luya o salabat ay maganda rin para sa pagduduwal, mabilis na pagpapagaling at pag-aalaga sa boses.

Subukan ninyong uminom ng isang tasa ng mainit na salabat pagkagising sa umaga at sa bandang hapon. Ayon kay Dr Rafael Castillo, hindi lang ito pampaganda ng boses dahil marami pang mga benepisyo ang salabat.

1. Pinapaganda ang takbo ng dugo – Nakakatulong itong gumanda ang circulation ng dugo lalo na sa may High blood pressure o mataas ang cholesterol. Nakakatulong itong linisin ang daanan ng dugo.

2. Nagpapalakas ng Immune system – May taglay itong Gingerols at Gingerdiol na nakakatulong labanan ang mga virus at bacteria, at palakasin ang resistensya natin. Tumutulong rin itong labanan ang cancer cells.

3. Nag-aalis ng mga sakit at hirap dulot ng buwanang dalaw o dysmenorrhea.

4. Nagbabawas ng pamamaga o inflammation - Nakakatulong itong bawasan ang arthritis, at pananakit ng ibang parte ng katawan.

5. Para sa stress - Nagdadala ng ngiti sa labi dahil nagtataboy ito ng stress. Nakakatulong na makakalma nito ang ating nerves.

6. Nag-aayos ng panunaw at pagsipsip o pag-absorb ng sustansya mula sa ating mga pagkain.

7. Nakakatulong na ma-improve ang memory at ibang function ng utak.

PAKWAN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with