Puro mali
Sa ilalim ng Rule 108 Rules of Court, kailangang aprubahan ng korte ang anumang pagtatama sa laman ng mga dokumentong nakasumite sa civil registrar o sa opisina ng Consul General. Puwedeng mabilis lang ang pagdinig o kaya ay may kalaban na isasangkot lalo kung mabigat ang maling laman ng dokumento. Ang petisyon ay isasampa sa RTC na magsasagawa ng pagdinig at mag-uutos sa paglalathala sa diyaryo nito. Noong 2001, naglabas ng bagong batas, ang RA 9048 na pinalawig pa ng RA 10172.
Ayon dito, may karapatan na ang civil registrar na itama ang mga simpleng mga pagkakamali o tinatawag na “clerical/typographical error”. Pagkatapos ay nagkaroon na rin ng karapatan ang civil registrar at Consul General na baguhin ang petsa at buwan ng kapanganakan pati na rin kasarian ng taong sangkot kung talagang mapapatunayan na nagkaroon lang ng pagkakamali sa paglalagay ng detalye sa birth certificate. Ang batas na ito ang sangkot sa kaso ni Nina.
Si Nina ang anak ni Bella. Ipinanganak siya sa tulong ng rehistradong midwife na si Carrie. Pagkatapos isilang ang sanggol ay si Carrie pa ang nag-alok kay Bella na mag-aayos ng birth certificate ng bata pati na ang pagpaparehistro nito sa civil registrar. Kaya ibinigay ni Bella ang kaukulang mga detalye kay Carrie.
Lumipas ang mga araw, ibinalik ni Carrie ang birth certificate kay Bella. Pero nadismaya si Bella nang makita ang sangkatutak na mali sa laman ng birth certificate. Una, siningit ang pangalang “Mary” sa unang pangalan ng sanggol at mali pa ang apelyido sa pagkadalaga kasi “Patenio” imbes na “Patenia” ang inilagay. Ayon din sa birth certificate, kasal siya samantalang hindi naman talaga. Panghuli, si Bella ang lumabas na impormante na siyang nagbigay ng maling detalye imbes na si Carrie.
Kaya nagsampa ng reklamo si Bella sa RTC para itama ang birth certificate ng anak. Pinatanggal niya ang “Mary” sa pangalan ng bata at pinabago ang apelyido at ginawang “Patenia” imbes na “Patenio”. Ang detalye tungkol sa petsa at lugar ng pagpapakasal ay pinabago rin niya para lumabas na hindi talaga siya kasal. Pati na ang tungkol sa pagsusumite ni Carrie ng detalye ng birth certificate at hindi ni Bella ay lahat napagbigyan ng RTC.
Ang siste, humingi ng rekonsiderasyon ang OSG (Office of the Solicitor General) sa naging desisyon ng RTC. Wala raw kapangyarihan ang korte na palitan at baguhin ang unang pangalan pati apelyido ng anak ni Bella na si Nina dahil ayon sa batas na umiiral ay sa administratibong paraan sa ilalim ng RA 9048 dapat baguhin ito. Mabigat na pagbabago din daw ang pagpapalit ng detalyeng “kasal” at “hindi kasal” sa birth certificate kaya dapat na ipinaalam ito sa lahat ng may interes sa kaso tulad ng OSG. Tama ba ang OSG?
Ayon sa SC ay medyo may punto ang OSG. Ang isyu ng kapangyarihan ng RTC na hawakan ang pagtatama ng detalye sa pangalan para tanggalin ang “Maria Bella” at gawing “Bella” pati ang pagbabago ng apelyidong “Patenio” sa “Patenia” at ang totoong estado niya na “Hindi kasal” imbes na “kasal” ay lahat nasa ilalim ng Rule 108. Dapat suriin ang sakop ng umiiral na batas (RA 9048/RA 10172) para malaman kung “clerical” o “substantial” ang mga gustong pagbabago sa detalye ng birth certificate.
Kung simpleng mali lang tulad ng pagkakamali sa pagsulat, pagkopya o pagmakinilya sa detalye ay puwedeng ang civil registrar na ang gumawa ng pagbabago. Pero kung grabe ang pagkakamali at magkakaroon ng matinding epekto sa karapatan ng taong sangkot tulad ng pagiging lehitimo niyang anak imbes na lumabas na anak siya sa pagkadalaga, kasarian ng bata at nakasulat na lahi ng ipinanganak ay matinding pagbabago ito at dadaan sa paglilitis.
Base sa mga prinsipyong ito, ang pagtatama ng apelyido ay “clerical” lang kasi “o” imbes na “a” ang nailagay sa dulo. Makikita naman sa mga ID ni Bella ang ebidensiya na “Patenia” ang totoo niyang apelyido. Gayundin ang pagbabago ng pangalan niya mula “Mary Belle” ay itama sa “Bella”. Ang pagbabagong ito ay magagawa sa ilalim ng RA 9048. Katunayan hindi lang may-ari ng birth certificate kundi pati asawa, anak, magulang, kapatid, lolo’t lola pati guardian at taong awtorisado ng batas ay makagagawa ng pagtatama sa dokumento.
Sa kabilang banda, ang pagbabago ng detalye kung kasal o hindi kasal ang magulang ng bata ay magkakaroon ng epekto sa estado niya kung lehitimong anak siya o hindi. Ang pagbabago sa citizenship at paternity ay matindi at dadaan sa tinatawag na “adversarial proceedings” kung saan kailangan na isampa sa RTC ang asunto.
Tama si Bella at sumunod sa patakaran pero nakalimutan niya na isangkot sa kaso ang civil registrar at OSG pati ibang taong may interes sa kaso. Hindi rin naipalathala ng isang beses sa loob ng tatlong linggo ang pagdinig sa kaso. Kaya mapapawalambisa ito alinsunod sa Rule 108.
Kaya ang naging katapusan ng kaso, ang desisyon ng RTC sa pagtatama ng unang pangalan pati ng apelyido ni Bella sa birth certificate ni Nina ay sinang-ayunan pero ang gustong pagbabago sa detalye ng petsa at lugar ng kasal ay isinantabi (Republic vs. Ontuca etc., G.R. 232053, July 15, 2020).
- Latest