Mag-isip nang husto bago mag-post online
Pakay ng pormal na edukasyon ang kritikal na pag-iisip. Hindi ito ang pagiging mapagpintas o mapanghusga. Ang kritikal na pag-iisip ay ang pagsusuri sa isang bagay o usapin upang makabuo ng pasya.
Unang itinuturo sa mababang paaralan ang pagmemorya: sa sariling pangalan at tirahan, at ng guro at eskuwelahan, kasunod ang addition at multiplication tables. Tinuturuan din ang bata na magsulat at bumigkas. Tapos unti-unti siyang sinasanay sa malalim na pag-iisip. Bakit, halimbawa, 6 na taon gulang siya dati pero ngayon, paglipas ng 12 buwan, ay edad-7 na siya. Pabigat nang pabigat ang ipinadaraan sa kritikal na pag-iisip ng bata. Bakit may araw at gabi, paano tumutubo ang halaman, ano ang nagbunsod sa Himagsikan ng 1896? Sa lahat ng aralin kailangan ang kritikal na pag-iisip: Mathematics, Science, Reading Comprehension, maski music, physical education at sports.
Apat na dekada nang libre ang grade at high school sa Pilipinas, at noong 2017, pati kolehiyo. Wala nang illiterate, maski sa liblib na gubat o isla. Inaasahan na lahat ng bata ay sinanay sa kritikal na pag-iisip.
Pero basahin ang mga posts sa social media. Marunong silang magsulat – pero may mga hindi kritikal mag-isip. May nagmumura sa mga nagpapahayag lang ng saloobin; parang sinasabi ng nag-post na wala rin siyang karapatang magsalita. May nagsasabing patayin ang mga walang face mask; pahiwatig ng nag-post na patayin na rin siya sa kahit anong munting pagkukulang. Malimit ang mga post na kesyo wala nang pag-asa ang Pilipinas; ang sarap tanungin sa kanila kung bakit nandito pa sila sa bansa.
Bago mag-post pairalin ang kritikal na pag-iisip. Maaring hindi na mabura ang ipinaskel. Habambuhay na ito sa Internet. Matanda o patay na ang padalus-dalos na nag-post, mahahalungkat ng iba ang obra.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest