Inagaw
Sa ilalim ng Revised Penal Code (Art. 267 par. 4, amended by RA 7659), ang pinakamatinding parusang ipapataw sa krimen ng kidnapping na may kasamang rape ay kamatayan. Ito ang krimen na napatunayan na ginawa sa kaso ngayon pero hindi nagawang ipataw dahil sa mga kadahilanang inilatag.
Ang krimen ay tunay na kasuklam-suklam dahil ang biktima ay isang limang buwang gulang na sanggol na itatago sa pangalang Girlie. Si Girlie ay anak ni Cora na ang pamilya ay nakatira sa isang probinsiya sa Visayas. Isang araw, iniwan ni Cora si Girlie sa pangangalaga ng kanyang Ate Brenda dahil pumunta siya sa bahay ng kanilang ina para magsalang ng tubig na pakukuluan. Sa kanyang pagbabalik ay hindi na makita ang sanggol kahit anong paghahanap nila.
Ang tanging impormasyon na kanilang nakalap mula sa isang kapitbahay na nagsabing may nakita siyang lalaking nagtitinda ng sorbetes na may hawak na sanggol noong oras na nawawala si Girlie. Nang maipaalam sa mga pulis ang insidente, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga ito.
Habang pinag-aaralan ang kaso, ipinaalam ni Dencio, isang truk driver, sa mga pulis ang nasaksihan niya pauwi na isang lalaki na may inaabusong sanggol sa may banko sa plaza. Nakita raw niya na puno na dugo ang ari ng sanggol. Nang tawagin niya ang apat na tambay para humingi ng tulong ay agad na tumakbo ang lalaki at iniwan na lang ang sanggol sa banko.
Kaya agad na pumunta sa plaza si PO2 Ruy Devera at natagpuan nga roon ang sanggol. Ipinaalam niya agad kay Cora na posibleng nahanap na ang kanyang anak at isinama ang ginang sa plaza. Nang makita ang sanggol ay kinumpirma ni Cora na iyon nga ang anak niyang si Girlie. Dinala si Girlie sa ospital para suriin ng medico-legal at malaman ang sanhi ng pagkamatay. Maraming sariwang sugat daw si Girlie pati nang suriin ay nakitang matulis ang pagkapunit, mapula at namamaga ang ari.
Dahil sa sumbong ng isang kapitbahay ay nahuli sa kalapit na barangay ang lalaking sorbetero na positibong kinilala ng truck driver na si Dencio. Ang lalaki ay si Baldo na inakusahan ng kidnapping with rape. Sa paglilitis, naging saksi ang mga eyewitness pati ang medico-legal na sumuri sa sanggol. Palusot naman ni Baldo, natutulog daw siya nang dumating ang mga pulis, kinaladkad at inaresto siya. Hindi raw siya ang nagsamantala kay Girlie at nalaman nga lang niya ang krimen nang kasuhan na siya sa arraignment.
Pero napatunayan ng RTC na walang pag-aalinlangan na siya ang gumawa ng karumal-dumal na krimen na kidnapping with rape sa sanggol at hinatulan siya ng parusang kamatayan at pinagbabayad siya ng kaukulang danyos sa mga naulila. Ang hatol ay kinatigan ng CA pero ginawang reclusion perpetua na lang imbes na kamatayan ang parusa. Tinaasan din ang pinababayarang danyos.
Nang awtomatikong inakyat ang kaso sa SC para mapag-aralan ang kaso ay parehas ang naging hatol nito sa CA. Dinagdagan pa nga ulit ang pinababayarang danyos. Ang testimonya raw ng mga nakasaksi na pinaniwalaan at kinilala ng mababang hukuman ay sapat na naituro si Baldo na siya mismong gumawa ng krimen. Ang pagkuha ni Baldo sa sanggol na walang permiso ng mga magulang nito ay malinaw na kidnapping.
Sa kabilang banda, ang krimen naman ng rape ay napatunayan din sa testimonya ng mga saksi at ng medico legal na sumuri sa mga sugat sa sariwa, namamaga at namumulang ari ng sanggol.
Napatunayan na walang pag-aalinlangan na ginawa ni Baldo ang krimen na kidnapping with rape at dapat lang siyang parusahan ng kamatayan. Kaya lang, dahil nga sa pagpapatupad ng RA 9346 (“An Act Prohibiting the Imposition of Death Penalty in the Philippines”) ay ipinagbawal na ang imposisyon ng death penalty at imbes ay reclusion perpetua o habambuhay na pagkakulong na lang ang parusa pati pagbabayad ng P100,000 moral damages, P100,000 exemplary damages at interes na anim na porsiyento (6%) mula sa pinal na desisyon hanggang sa tuluyang mabayaran (People vs. Magno, G.R. 206972, December 2, 2015)
- Latest