Binabalahurang local government?
Kung sa Isabela ay kayang balahurain ng Small Town Lottery (STL) authorized agent corporation (ACC) ng PCSO, ganito rin ba sa iba’t ibang probinsiya kung saan may nagpapa-“legal jueteng”?
Mantakin n’yong mas siga pa ang Sahara Games and Amusement Philippines Corporation na ACC kaysa kay Isabela governor Rodolfo Albano III at kaya nilang mag-operate sa kabila nang matagal nang inisyu na shutdown order ng punong lalawigan? At ito pa palang si Cauayan City Mayor Bernard Fustino Dy nag-order din ng pagsasara ng STL operations? Aba’y may mas hari pa pala sa kanila?
Nagisa si PCSO General Manager Royina Garma kamakailan sa joint congressional inquiry of the House Committees on Good Government and Accountability and on Games and Amusement dahil sa patuloy na pag-operate ng Sahara. Sa pananalita ni Isabela 6th District Rep. Faustino Dy V, malaking porsiyento umano ng COVID-19 positive cases sa mga siyudad at bayan-bayan ng Isabela ay mga kubrador ng Sahara. Super spreaders daw sila IATF chief Sec. Carlito Galvez?
Ang Cauayan City na may 601 positive COVID-19 cases (as of February 8), ayon kay Mayor Dy ay 188 dito ang empleyado ng Sahara, habang ang San Mariano na mayroong 199 positive cases ay 117 ang kawani nila. Paano pa ang ibang bayan?
Wala ring business permit at kaukulang lisensiya ang Sahara mula sa Isabela provincial government at mga bayan nito upang masasabing legal itong magpa-jueteng.
Hindi masama ang magnegosyo, ngunit mayroon tayong mga batas at regulasyong sinusunod. Diin nga ni Rep. Dy V, “uunahin pa ba natin ang revenue generation kaysa sa kalusugan ng bawat Isabelino?”
Nagsalita na ang mga opisyal ng Isabela. Nagsalita na rin ang komiteng nagsiyasat. Iisa ang boses – itigil ang legal jueteng sa Isabela.
Ayon kay Garma, tanging ang Presidente lamang ang makapagsasabi kung isasara o hindi ang Sahara dahil ang PCSO na nangangasiwa ng STL ay nasa ilalim ng Office of the President.
Nanggaling si President Duterte sa local government. Tiyak na nasa puso niya ang saloobin ng mga pamahalaang lokal. Ang desisyon niya ay magiging halimbawa sa iba’t ibang probinsya at bayan na may kahalintulad na sitwasyon gaya ng Isabela.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest