^

PSN Opinyon

Lunas sa almoranas

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Maraming may almoranas (hemorrhoids). Pagdating ng edad 50, mga 50% ng tao ay may almoranas na.

Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat at laman na luma­labas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa tagal nang pag-iire, puwede itong lumalabas, maipit at dumugo. Ang sintomas ng almoranas ay ang pagsakit at pagdurugo kapag dumudumi.

Mga sanhi ng almoranas:

1. Namamana ang almoranas sa ating magulang.

2. Ang pagtitibi at pag-iire ang pangunahing sanhi nito. Kumain ng maraming gulay at prutas para lumambot ang dumi.

3. Ang pag-ire sa panganganak ay nagpapa-almoranas din.

4. Ang pagkain ng mga maaanghang at spicy foods ay nakaiirita sa almoranas.

Solusyon:

1. Palambutin ang dumi. Kumain ng mga prutas tulad ng papaya, pakwan at ubas na nagpapalambot ng dumi. Damihan ang pagkain ng gulay (mataas ang fiber ng mga ito) at bawasan ang karne. Uminom din ng 8-12 basong tubig. Huwag umasa sa gamot na pampadumi tulad ng bisacodyl tablets dahil lalo ka lang magtitibi.

2. Huwag umire sa banyo. Ang pag-iire ang talagang nagpapalala ng almoranas. Huwag piliting makadumi kung ayaw pang lumabas ang dumi. Maglakad-lakad at mag-ehersisyo para gumalaw ang bituka.

3. Huwag magbasa ng diyaryo, magasin at komiks sa kubeta. Umupo lamang kapag malapit nang lumabas ang dumi.

4. Gumamit ng petroleum jelly. Kung matigas ang iyong dumi, puwede mong pahiran ng petroleum jelly ang loob ng puwit. Ayon kay Dr. Edmund Leff, isang colorectal sur­­geon, nagpapadulas ito sa paglabas ng dumi.

5. Gumamit ng basang tissue paper o tabo ng tubig pagkatapos dumumi. Huwag gumamit ng tuyong tissue baka magasgas ang almoranas.

6. Hugasang maigi ang puwit para hindi maimpeksyon.

7. Huwag kamutin ang almoranas kahit ito’y makati. Baka magsugat ito.

8. Huwag magbuhat ng mabibigat na bagay. Ang stress ng pagbubuhat ay katumbas na ng pag-iire sa banyo. Magpatulong sa iba.

9. Huwag umupo o tumayo ng matagal. Nagdudulot din ito ng almoranas. Kailangan ay papalit-palit ang puwesto natin para hindi ma-pressure ang almoranas.

10. Magbawas ng timbang. Kapag mataba ka, tumataas din ang pressure sa iyong baywang at binti. Dahil dito, puwede kang magkaroon ng almoranas at varicose veins.

11. Magbawas sa maaalat na pagkain. Ang sobrang alat ay puwedeng magpamaga ng katawan. Ang almoranas ay mamamaga din.

12. Umiwas sa maaanghang o spicy na pagkain. Mahapdi at makati ito kapag dumaan sa ating puwit. Umiwas din sa kape, beer at softdrinks.

13. Kung buntis, humiga sa kaliwa. Ayon kay Dr. Lewis Townsend, isang obstetrician, puwedeng maipit ng lumalaking matris ang ugat ng almoranas. Humiga sa iyong kaliwa ng 20 minutos bawat 5 oras. Makatutulong ito para hindi maipit ang almoranas.

14.Magbabad sa bathtub o malaking palanggana. Punuin ng mga isang dangkal na maligamgam na tubig ang bathtub. Umupo sa bathtub na nakataas ang iyong tuhod. Ayon kay Dr. Byron Gathright, isang colorectal surgeon, ang mainit na tubig ay nag-aalis ng sakit at nagpapaluwag ng daloy ng dugo sa almoranas. Liliit ang almoranas.

15. Puwede subukan ang ice pack. Kung mahapdi at makati ang almoranas, puwedeng lagyan ng ice pack. Kumuha ng isang plastic bag at lagyan ng yelo. Balutin ito ng tela para hindi masyadong malamig. Itapal ito ng 20 minutos 3 beses sa maghapon. Mababawasan ang kirot at laki ng almoranas.

16. Magpahid ng cream. May mga gamot para sa almoranas tulad ng Proctosedyl o Ultraproct ointment. Hindi mawawala ang almoranas pero mababawasan ang sakit nito.

17. Dahan-dahang itulak paloob ang almoranas. Ayon kay Dr. Townsend, kung hindi ganoong malaki ang almoranas, subukang ipasok ito ulit sa puwit. Ito’y para hindi maipit ang almoranas.

ALMORANAS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with