Gusto mo bang magpakasal? Online Counseling at Mask Wedding sa Makati
Sa kabila ng pandemya, marami pa rin ang nais magpakasal at handang dumaan sa buong proseso hanggang sa maidaos ang kasalan. Bunsod nito, inatasan ko ang Makati Social Welfare Department (MSWD) na simulan na ang pagbibigay ng serbisyong Online Pre-Marriage Counseling para gawing mas ligtas at maginhawa ang pagkuha ng marriage license.
Bahagi ito ng isinusulong kong modernisasyon sa pamamahala at paglilingkod sa ProudMakatizens, bilang tugon sa mga bagong hamon na dulot ng COVID-19 pandemic, at paghahanda rin para sa mga susunod pang pagsubok. Talagang malaki ang nagagawa ng teknolohiya upang gawing abot-kamay ang aming mga serbisyo sa mga mamamayan sa lahat ng panahon, anuman ang sitwasyon.
Nauna rito, binago namin ang tradisyunal na civil wedding ceremony sa aking tanggapan sa City Hall at ginawang Mask Garden Wedding na idinaraos sa Washington Sycip Park sa Legaspi Village linggu-linggo. Sa mismong kasalan, pinapayagan ang hanggang anim na bisita para sa bawat pares, at lahat nang dadalo ay kailangang nakasuot ng face mask at face shield. Mahigpit ding ipinatutupad ang social distancing at iba pang health protocols. Sa ngayon, nasa 68 na pares na ang aking ikinasal dito, kabilang na ang mga matagal nang live-in couples.
Ang mga nais makibahagi sa online pre-marriage counseling ay kailangang tumawag sa MSWD Family and Men’s Welfare Section (8870-1644) at ibigay ang kanilang email address at contact information. Aabisuhan sila na mag-fill out ng online registration form para sa pre-marriage counselling at family planning, at hintayin ang kumpirmasyon ng kanilang iskedyul para sa online counselling. Ang iba pang detalye ay makukuha mula sa My Makati Facebook page.
Mula sa 15 hanggang 18 na pares bawat session bago magkapandemya, nalimitahan sa apat na pares ang nabibigyan ng counselling ng MSWD bawat session dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing. Sa pamamagitan ng online pre-marriage counselling service, aabot sa 15 pares bawat session ang puwede naming mapaglingkuran. Sa mga nag-iibigang ProudMakatizens na nasa hustong gulang na, huwag nang magpaiwan – apply na!
- Latest