Pribilehiyong todo
Higit pa sa populasyon ng Quezon City. Ito umano ang bilang ng mga pumasok na Tsino sa bansa mula 2017. Ayon sa impormasyon na nanggaling mismo sa Bureau of Immigration, halos apat na milyong Mainland Chinese ang pumasok sa bansa mula 2017.
Sa bilang na iyan, 3.8 milyon ang non-VUA (Visa Upon Arrival) habang 150,000 ang VUA. Kapag VUA, maaaring makapasok ang dayuhan at manatili sa bansa ng 30 araw na hindi nangangailangan ng visa.
May kinalaman lahat ito sa naungkat ni Sen. Risa Hontiveros na “pastillas scheme” ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration. Sampung libong piso bawat Tsino ang pinaniniwalaang tinanggap ng mga kawatan para makapasok sa bansa nang walang problema.
Hindi lang iyan ang naungkat. Lumalabas na pinapayagang magretiro sa bansa pala ang dayuhan sa edad na 35 lamang. Hindi naitago ni Sen. Gordon ang kanyang dismaya sa kalakarang ito. Napakabata nga naman ng edad na iyan para maging retirado. Dagdag pa ni Gordon, edad ng sundalo iyan.
Dumepensa naman si Philippine Retirement Agency (PRA) General Manager Bienvenido Chy na matagal nang ganito ang patakaran. Sa South Korea, puwede nang magretiro ang sundalo sa edad na 35 kaya pinapayagan na sila rito para mahikayat na rin ang marami na magretiro sa Pilipinas. Kapag may hawak na $50,000, puwede nang magretiro sa bansa.
Pero ilan ang nagretiro mula China bago mag-2017? Iyan ang tanong. At dapat tandaan na pinayagan ang operasyon ng POGO sa bansa. Ang mga pumapasok na ilegal na Tsino ay maaaring sa mga POGO na nagtatrabaho, kaya nagbabayad na lang sila imbes na dumaan pa sa maraming proseso. Ano ba naman ang P10,000 sa mga POGO na iyan?
Kaya inutusan na ni DOT Sec. Puyat ang PRA na ibasura na ang patakaran na iyan. Todo-todong pribilehiyo ang ibinibigay talaga ng administrasyon sa mga Tsino.
Ano naman kaya ang mangyayari ngayong lahat ng industriya ay tinamaan ng pandemya? May POGO sa Subic na magsasara na dahil nalulugi. Isang libong Tsino ang babalik na sa China. May mga «retirado» kaya sa mga iyan na babalik din sa China? Ilan kaya diyan ang nakapasok dahil sa «pastillas scheme»?
- Latest