Ninakawan at piñata ng sariling anak (Una sa 2 bahagi)
Isa itong kaso tungkol sa kredibilidad ng testigo. Ang patakaran ay ang naging pagsusuri ng mababang hukuman tungkol sa kredibilidad ng mga testigo ay kinukunsiderang tama dahil nasa mas magandang posisyon sila para humatol sa isyu dahil narinig at nakita mismo ng hukom ang mga sinabi at paraan ng pahayag ng mga testigo. Ano ba ang lusot sa patakaran?
Ito ang isyung tinalakay at sinagot sa kaso natin ngayon kung saan ang pamamahay ng biktima ay na-kabigat pa sa asunto.
Ang kasong ito ay nangyari sa bahay ng mag-asawang Victor at Josie na nasa isang liblib na barangay sa isang isla sa probinsiya. Nang gabi na mangyari ang insidente, bandang alas-sais ng hapon ay naghahanda na para sa hapunan sina Josie at Victor kasama ng tatlo nilang apo na sina Stephen, Jun at Randy. Naistorbo sila ng mga tahol ng aso at pagsilip ni Stephen sa bintana, nakita nila ang anim na lalaki, tatlo sa kanila ay nakilala ng bata, ang tiyuhin niyang si Lance at dalawang barkada nito na sina Jepoy at Bogart.
May dalang itak sina Jepoy at Bogart at agad na nagsi-pasok sa pinto ng kusina dahil sa siwang sa pinto. Nakilala ni Josie si Jepoy dahil sa liwanag ng ilaw. Pagpasok ng kusina ay agad na tinaga ni Jepoy si Victor sa kanang braso, noo at kaliwang braso hanggang tuluyang mapatay ang matanda sa pamamagitan ng isang malalim na tama sa dibdib.
Pagkatapos ay si Bogart naman ang nagtali sa mga kamay at paa ni Josie. Kinaladkad siya malapit sa bangkay ni Victor at hinampas ng puluhan ng baril sabay tanong kung nasaan ang pera nila. Halinhinan na pinaghahampas nina Bogart at Jepoy si Josie hanggang ituro ng babae ang baul kung saan nakatago ang pera. Agad na kinuha ng dalawa ang salapi pero nanghingi pa ng iba.
Nilubayan lang ng dalawa ang biktima nang tawagin sila ni Lance at sabihin na patay na ang tatay nitong si Victor. Nang umalis sina Bogart at Jepoy ay saka lang nakalapit ang mga apo ng mag-asawa para kalagan ang lola nila at dahil sa mga sugat nito ay inalalayan na makalakad papunta sa kalapit na bahay ng anak na babae nito na si Andrea.
Dumating ang mga pulis at gumawa ng imbestigasyon sa insidente. Bandang huli ay nasampahan ng piskal ng probinsiya sina Lance, Jepoy, Bogart at tatlo nilang kasama para sa krimen ng pagnanakaw at pagpatay (robbery with homicide).
Itinanggi nina Lance, Bogart at Jepoy na may kinalaman sila sa krimen samantalang ang iba nilang kasama ay hindi naaresto kaya ang tatlo lang ang tuluyang nilitis sa korte.
Ginawang testigo ng prosekusyon sina Josie, apo niyang si Stephen na noon ay pitong gulang lang, ang pulis na si Patrolman Rodas na nag-imbestiga sa kaso at si Dr. Mendoza na nagsagawa ng awtopsiya sa bangkay ni Victor para mapatunayan sa hukuman ang lahat ng nangyari at ang katauhan ng tatlong akusado lalo sina Jepoy at Bogart na pumasok sa bahay at walang awang inatake at pinatay si Victor bago nalimas ang pera at ari-arian ng mag-asawa.
Sa kabilang banda, ang alibi nina Bogart at Jepoy ay naroon sila sa kabilang barangay na may 13 kilometro ang layo para dumalo sa fiesta nang mangyari ang insidente. Naroon daw si Bogart sa bahay ng kapatid niyang lalaki at nakikipag-inuman sa mga kaibigan, nag-ihaw pa raw sila at namulutan hanggang hatinggabi. Tumestigo pa para sa kanya ang mga kaibigan.
(Itutuloy)
- Latest